“Hindi ko nagawa ang lahat ng ito kung wala kayo sa aking tabi,”
Sa huling linggo ng kanyang panunungkulan bilang leader ng bansa, taus-pusong pinasalamatan ni Pangulong Aquino ang mga miyembro ng Gabinete at iba pang opisyal ng gobyerno sa kanilang dedikasyon sa tungkulin at sakripisyo sa nakaraang anim na taon ng kanyang termino.
Sa seremonya sa Malacañang, ginawaran ng Pangulo ng Order of Lakandula at Presidential Medal of Merit ang iba’t ibang pinuno ng mga departamento at ahensiya dahil sa kanilang maayos at tapat na pangangasiwa sa mga nakaraang taon.
“As we leave office, we can do so with our heads held high, because we’ve done right by the Filipino people. Thus, on behalf of our people, and from the bottom of my heart, I must say: Thank you very much,” pahayag ni Aquino.
Pinuri rin ni Aquino ang mga opisyal ng gobyerno sa pagtugon ng mga ito sa kanyang isinusulong na “pagbabago”, at sinabing ramdam ng Punong Ehekutibo ang kanilang sakripisyo.
Aniya, kinamulatan na ng mga ito ang kanilang career upang mapagsilbihan ang mamamayan sa kabila ng pagbatikos ng mga kritiko at kawalan ng sapat na panahon upang makapiling ang kanilang pamilya. (Genalyn D. Kabiling)