Nasa good mood si Pangulong Aquino kahit pa nalalapit na siyang magpaalam bilang pangulo ng bansa sa Huwebes.

Nagpahayag ng kumpiyansa ang Presidente na mas maayos ang lagay ng bansang kanyang ihahabilin sa bagong pinuno nito, kumpara noong dinatnan niya ito anim na taon na ang nakalilipas.

“Nangiti po ako dahil pitong araw na lang po bababa na ako sa puwesto,” sinabi ni Aquino nitong Huwebes nang dumalo siya sa ika-118 anibersaryo ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi niyang umaasa siyang mananatiling nagkakaisa ang mga Pilipino at ipagpapatuloy at palalawakin pa ang kaunlarang tinatamasa ngayon ng bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Patibayin pa sana natin ang pagkakaisa at nawa'y patuloy nating itaguyod ang ating ambisyon: Ang iwan ang bansa sa ‘di hamak na mas magandang kalagayan kaysa sa atin pong dinatnan,” sabi ni Aquino.

“Hanggang sa huli, isang malaking karangalan para sa akin na paglingkuran ang Pilipino at ang Pilipinas,” aniya.

Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. na sinimulan nang mag-empake ni Pangulong Aquino sa Palasyo at handa nang lisanin ito sa Huwebes. (Genalyn D. Kabiling)