HINIRANG ni Pangulong Duterte si Gina Lopez ng ABS-CBN bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). May nabigla, lalo na iyong nasa pagmimina, sa ginawang ito ng Pangulo. Kilala kasing environment activist at anti-mining advocate ang kanyang piniling mamuno ng departamento ng gobyernong mamahala at mangangalaga sa kalikasan at yaman ng bansa.
Nasa gabinete na ng Pangulo ang mga taong nasa mga wastong posisyon. Bukod kay Lopez, nauna niyang hinirang sina Rafael Mariano na mamuno ng Department of Agrarian Reform (DAR), Tagiwalo, ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Leonor Briones, ng Department of Education (DepEd). Gaya ni Lopez, ang mga ito ay aktibista rin sa kanilang mga piniling larangan. Sagad sa buto ang kanilang determinasyong isulong ang alam nilang makabubuti sa bayan.
Pero, ang alam nilang makabubuti sa bayan ay hindi katanggap-tanggap sa iba. Matagal nilang ipinaglaban at ipinaglalaban pa ito. Pinuhunan nila ito ng kanilang buhay, kalayaan at dangal. Malakas at makapangyarihang sektor ng ating lipunan ang kanilang nakalaban na ang hangarin ay proteksiyunan ang kanilang makitid na interes.
Ngayon, nabigyan na sila ng pagkakataon para lubusan na nilang itaguyod ang kanilang hangarin sa ikabubuti ng bayan.
Ang pagtitiwalang ipinagkaloob ng taumbayan kay Pangulong Digong na mapapatakbo niyang matino ang gobyerno ay iginawad naman sa kanila ng Pangulo. Kung tatagal sila sa serbisyo at sa pagiging katuwang ng Pangulo sa pagpapaunlad ng bansa sa paggamit ng kapangyarihan ng kanilang departamento depende ito kung hanggang saan sila pagkakatiwalaan ng Pangulo. Depende ito kung papanigin sila ng Pangulo sa kanilang gagawin na tiyak na tututulan ng iba dahil laban ito sa kanilang pansariling interes.
Hindi ko nakikitang mangyayari sa apat ang naganap sa mga nakasabayan nilang mga aktibista. Tulad nila, ang mga ito nang sila ay nasa labas ng gobyerno ay nakita ang mga kamalian nito na mapaminsala sa kapakanan ng taumbayan. Pero, nang sila ay magkaroon ng pagkakataon na makapasok sa gobyerno, gaya ngayon ng apat, ang kamalian na nakita nila noon ay sila mismo ang gumawa. Nilamon sila ng bulok na sistema. Nakikita ko sa apat na sa abot ng kanilang makakaya ay babaligtarin nila ang sistema. Lalabanan nila ang sistemang hinulma ng world bank (WB) at International Monetary Fund (IMF) sa bayan na siyang sanhi ng kahirapan ng mamamayan. (Ric Valmonte)