Mga laro ngayon

(MOA Arena)

12 n.t. -- Opening Ceremonies

2 n.h. -- Letran vs San Beda

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

4 n.h. -- Mapua vs JRU

Muling masasaksihan ang maaksiyong hidwaan sa collegiate basketball sa pagtaas ng telon para sa ika-92 season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) basketball competition sa MOA Arena.

Isang payak, ngunit makulay na opening ceremony ang inihanda ng host San Beda sa ganap na 12:00 ng tanghali, bago ang salpukan ng Red Lions at defending champion Letran Knights sa 2:00 ng hapon.

Magtutuos naman ang Mapua Cardinals at Jose Rizal University Heavy Bombers sa ganap na 4:00 ng hapon.

Tampok sa pagdiriwang ang pagreretiro sa No.14 jersey ng namayapang si basketball icon Carlos “The Big Difference” Loyzaga, itinuturing na pinakadakilang produkto ng San Beda sa larangan ng sports.

Gagabayan ang Knights ng multi-titled high school mentor mula sa National University na si Jeff Napa bilang kapalit ni Aldin Ayo, gumabay sa koponan bago lumipat sa De La Salle University.

Sasabak ang Knights na wala na rin ang mga graduate na sina Kevin Racal at Mark Cruz na kapwa naglalaro na sa PBA.

Kaya naman sasandig ang Letran sa mga bagong itinalagang lider at mga beteranong nalabi sa team na sina Rey Nambatac at McJour Luib na inaasahang susuportahan ng iba pang holdovers ng nagkampeong koponan noong isang taon na sina Jerrick Balanza, Felix Apreku, at Jomari Sollano.

“There were some changes. The only ones that didn’t change was our will to win,” pahayag ni Napa.

Nawalan din ng key players ang San Beda sa katauhan nina Nigerian Ola Adeogun, Baser Amer, Arthur dela Cruz, Ryusei Koga at Michole Sorella na pawang umakyat na rin sa pro league.

Ngunit, sinasabing mas nadagdagan pa ng firepower ang Red Lions sa pagdating nina Robert Bolick, Fil- Am roookie Devon Potts at Cameroonian Arnaud Noah na inaasahang makakatuwang ng mga beteranong sina Donald Tankoua, JV Mocon, at AC Soberano.

Ayon kay San Beda coach Jamike Jari, pangunahing sandata ng kanyang koponan ang bilis.

“We’re going to run as hard as we can. You would mistake us for a track-and-field team,” pahayag ni Jari.

Sa tampok na laro,halos itinago noong nakaraang pre- season, depensa naman ang sinasabing pagtutuunan ng pansin ng Jose Rizal University upang marating ang inaasam na finals.

Sinabi ni Heavy Bombers coach Vergel Meneses na kumpleto ang koponan pagdating sa opensa at kailangan na lamang palakasin ang kanilang depensa.

Para naman kay Cardinals coach Atoy Co, naniniwala siyang hindi pahuhuli ang kanyang bataan batay na rin sa resulta ng kanilang mga tune- up matches kontra sa UAAP teams.

“I’m very happy with the way my team played in our recent tune- up matches with some UAAP teams,” sambit ni Co.

(marivic awitan)