SA liturgical calendar ng Simbahan, ang kamatayan at martyrdom ng mga santo at santa ang ipinagdiriwang. Tinatawag itong “Natalitia” o ang pagsilang sa buhay na walang hanggan. Ngunit, may isang santong natatangi sapagkat ang kanyang kaarawan ang ipinagdiriwang ng Simbahan. Siya’y si San Juan Bautista. Ang kahulugan ng Bautista ay pagbibinyag. Ayon sa kasaysayan, nang ipaglihi si San Juan Bautista ay maraming kababalaghang nangyari. Naging pipi ang kanyang ama na si Zacarias dahil hindi ito naniwala sa ibinalita ng anghel na magkakaanak ang kanyang matandang asawa na si Isabel. Si Maria na ina ni Jesus ay dumalaw kay Santa Isabel upang pakabanalin ang kanyang anak na noon ay anim na buwan nang ipinaglilihi.

Nang isilang si San Juan Bautista, nais ng kanyang mga kamag-anak na Zacarias ang ibigay na pangalan. Ngunit ang nais ni Santa Isabel ay Juan. Iyon din ang pinatunayan ni Zacarias nang kanyang isulat ang pangalang ibinigay sa kanya ng anghel at tsaka pa lamang muling nakapagsalita si Zacarias. Tinawag na Juan Bautista (ang Juan ay nangangahulugan ng “malugod na kaloob ng Diyos”) dahil sa pangyayaring nagbibinyag siya sa Ilog Jordan, at isa sa kanyang bininyagan ay si Kristo na kanyang pinsan. Bilang isang “tinig na sumisigaw sa ilang,” si San Juan Bautista at ang sugo ng Diyos at nagpakilala ng Mananakop. Humawan ng landas at inihanda ang mga tao sa pagsisisi at aral ng Panginoon—ang “Kordero ng Diyos” na nag-aalis ng mga kasalanan ng sandaigdigan.

Ipinagtanggol ni San Juan Bautista ang kasagraduhan ng kasal at ang batas ng Diyos laban kina Herodes at Herodias.

Dahil dito, si San Juan Bautista ay pinapugutan ni Herodes at inilagay ang kanyang ulo sa bandeha. Ayon kay Kristo, walang propeta na dakila pa kay San Juan Bautista.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bilang bahagi ng tradisyong Pilipino, ang kaarawan ni San Juan Bautista ay pagdiriwang naman ng kapistahan ng San Juan, na isa sa dating bayan ng Rizal at lungsod na ngayon. Mayroon ding San Juan sa Batangas at maging sa mga barangay sa iba’t ibang bayan sa mga lalwigan na ang pangalan at patron saint ay si San Juan Bautista. Tampok na bahagi ng kapistahan ang pagsasaboy ng tubig sa mga nakikipiyesta at sa mga dumaraan sa San Juan, Metro Manila. Kung may hatid mang galak at katuwaan sa mga nagsasaboy ng tubig, hindi rin maiwasan na nagkakaroon ng karahasan.

Sa San Juan, Batangas ay tampok naman ang parada ng mga litson.

Kasabay ng kapistahan ni San Juan Bautista, tuwing Hunyo 24, ang Araw ng Maynila. Ayon sa kasaysayan, ang Maynila (hango sa “Maynilad” na isang uri ng halamang tubig) ay kaharian na pinamumunuan ni Raha Sulayman, na may pambihirang tapang at itinuturing na isa sa mga unang nagtanggol sa kalayaan ng Pilipinas. Ipinamalas ito ni Raha Sulayman noong Mayo 24, 1571 nang pataksil na bombahin ng pangkat ni Martin de Goiti, isang mananakop na Kastila, ang Maynila.

Noong ika-24 ng Hunyo 1571 ay pormal na naitatag ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ni Miguel Lopez de Legaspi. Mula noon hanggang ngayon, ang Maynila ay naging sentro ng panlipunan, pampulitika, at ekonomiya ng bansa.

(Clemen Bautista)