MAY kuwento sa libro ni Elizabeth Brenner, may titulong Winning by Letting Go. Ipinaliwanag Brenner kung paano nakahuhuli ng mga unggoy ang mga tao sa India—at mahuli ang mga ito nang buhay.

Binubutasan nila ang kahon. At nilalagyan nila ito ng pagkain. Ang butas ay eksakto lamang para magkasya ang kamay ng unggoy. Ngunit kapag naipasok na ng unggoy ang kanyang kamay para makuha ang pagkain, hindi na nito magagawang mailabas ang kanyang kamay.

Kung kaya’t may dalawang pagpipilian ang unggoy. Ang bitiwan ang pagkain, o kunin ang pagkain ngunit hindi niya mailalabas ang kanyang kamay. Kadalasan, hindi binibitiwan ng unggoy ang pagkain.

Magandang ilarawan ang unggoy sa ating pagkatao (hindi sa pisikal na aspeto, siyempre, kundi sa esprituwal), at ang pagkain ang kumakatawan sa mga bagay, bisyo at tao, na nahihirapan tayong talikuran o bitiwan. Bilang resulta, hindi tayo malaya. Tayo ay nakulong.

Ang mensahe sa atin ngayong ika-13 ng Linggo ay tungkol sa kabiguan ng tatlong lalaki na inalok maging disipulo ngunit hindi nila mabitiwan ang ilang mga nakasanayang bagay.

Ang unang lalaki ay hindi magawang makasunod sa Panginoon dahil sa ECONOMIC DEPRIVATION. Sinabi ni Jesus na ang mga magiging disipulo niya ay kinakailangang magsakripisyo: “The foxes have holes...but the Son of Man has nowhere to lay his head” (cf. Lk 9,57 ff).

Ang paghahangad ng mga materyal na bagay ay maaari ring maging daan upang ang isang tao ay maging madamot sa mga kapwa niya nangangailangan. Nangangahulugan din ito ng sakripisyo sa oras upang bisitahin ang mga mahal sa buhay na may sakit o kaya’y damayan ang mga nangungulila.

Tinalikuran din ng ikalawa at ikatlong lalaki ang paanyaya sa kanila ni Jesus dahil sa FAMILY OBLIGATIONS. Ang dahilan ng isa, “I will follow you, Lord, but let me first bury the dead.” Habang sinabi naman ng isa, “Let me say goodbye to my family.”

Sumagot si Jesus at sinabing: “Let the dead bury their dead.”

TANUNGIN MO ANG IYONG SARILI: Ano ang mga bagay na pumipigil sa’yo para maging disipulo ka ng Panginoon? Ang trabaho ba natin o ang mga nakasanayan nating bisyo gaya ng pagsusugal, pag-inom, at kayamanan? (Fr. Bel San Luis, SVD)