Anim na opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang nadismaya sa umano’y kawalan ng aksiyon mula kay Comelec Chairman Andres Bautista hinggil sa pagkakaantala sa pamamahagi ng honoraria para sa mga guro na nagsilbing board of election inspector (BEI) sa katatapos na eleksiyon.

Sa isang memorandum na may petsang Hunyo 3, hinikayat ng anim na opisyal si Bautista na agad kumilos upang agad maresolba ang isyu.

“Up to now, we are unaware of the efforts of the Office of the Chairman on how this problem is being remedied.

Instead of seeking for solutions or apologizing to the teachers, the Chairman now attempts to downplay the number of teachers that have remained unpaid,” saad sa walong-pahinang dokumento.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Anila, pinalala rin ni Bautista ang sitwasyon nang sisihin nito ang mga election officer sa pagkakaantala ng pamamahagi ng kanilang honoraria dahil sa hindi paggamit ng kanilang cash card.

“This has caused the growing enmity between 'the field and main employees as well as demoralization of Comelec employees,” nakasaad sa memorandum.

Ang memorandum ay nilagdaan nina Comelec Commissioners Arthur Lim, Louie Tito Guia, Al Parreno, Sheriff Abas, Christian Robert Lim, at Rowena Guanzon.

Ayon sa mga naturang opisyal, posibleng humantong ang isyu sa paghahain ng kaso laban sa Comelec ng mga nagsilbing BEI.

Nakasaad sa Republic Act No. 10756 na maituturing na “election offense” sa hanay ng mga opisyal ng poll body sakaling mabigo ang ahensiya na bayaran ang mga BEI ng kanilang honoraria sa loob ng 15 araw matapos isagawa ang halalan.

Si Bautista ay kasalukuyang nasa Japan upang dumalo sa isang official function. (Samuel P. Medenilla)