12-man line-up ng Gilas Pilipinas, ihahayag ni Baldwin via Skype.
Hindi madali para kay coach Tab Baldwin ang magdesisyon para sa kanyang top 12 player na bubuo sa Gilas Pilipinas na sasabak sa Olympic Qualifying Tournament sa Manila.
Para maibsan ang kurot sa puso, ihahayag ng American mentor ang desisyon via Skype bukas. Mapapanood ang espesyal na pahayag sa Gilas tactician nang live sa Sports5, ganap na 6:00 ng gabi.
“Mahirap na desisyon ito, pero kung sino ang mapipili sigurado tayong ito ang pinakamalakas nating koponan para sa OQT,” pahayag ni Philippine Team Chef de Mission to Rio Olympics Jose “Joey” Romasanta.
Kasalukuyang nasa Italy ang Gilas para sa huling aspeto ng paghahanda sa OQT na nakatakda sa Hulyo 5-10, sa MOA Arena.
May kabuuang 14 na player ang pinagpipilian ni Baldwin at ang dalawang hindi papalarin ay mapapabilang sa reserved.
“Mabigat ang laban, but sabi nga eh, bilog ang bola. We have the crowd on our side, hopefully maging bentahe natin ito,” sambit ni Romasanta.
Kabilang sa makakaharap ng Pilipinas sa group stage ng OQT ang pamosong France at matikas na New Zealand. Nasa Group A naman ang Turkey, Canada, at Senegal.
Batay sa format, uusad sa cross-over semifinals ang mangunguna dalawang koponan sa bawat group. Isang slot lamang para sa Rio Olympics ang nakataya sa torneo.
Kulang ang player ng France sa hindi paglahok nina NBA mainstay Nicolas Batum, Rudy Gobert at Evan Fournier na pawang inaayos ang kanilang mga kontrata, ngunit liyamado pa rin ang France sa presensiya ni NBA champion Tony Parker at teammate niya sa San Antonio Spurs na si Boris Diaw, gayundin sina Mickael Gelabale, Joffrey Lauvergne, at Antonie Diot.
Kabilang sa 14-man roster ng Gilas sina naturalized player Andray Blatche, June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Marc Pingris, Calvin Abueva, Jayson Castro, Bobby Ray Parks, Troy Rosario, Ryan Reyes, LA Tenorio, Jeff Chan, Ranidel De Ocampo, Terrence Romeo, at Gabe Norwood.
Tumulak patungong Europe ang Gilas nitong Hunyo 10 para sa siyam na araw na pagsasanay sa Kapernisi, Greece. Mula rito, sumabak sila sa exhibition game sa Istanbul kung saan tinambakan ang Gilas ng Turkey, 103-68.
Muling magtutuos ang dalawang koponan sa isa pang exhibition match sa Hulyo 1 sa Manila bago ang pormal na pagsisimula ng Olympic qualifying.