ANG Arbor Day ay ipinagdiriwang sa Pilipinas tuwing Hunyo 25 ng bawat taon. Ito itong itinakda sa bisa ng Proklamasyon Bilang 30 noong 1947, para ipagdiwang tuwing ikalawang Sabado ng Setyembre. Ngunit sa pagpapatibay sa Proklamasyon Bilang 396 noong Hunyo 2, 2003, nalipat ang selebrasyon sa Hunyo 25.

Sa pamamagitan ng Republic Act 10176, ang Arbor Day Act of 2012, muling binuhay ang pagtatanimn ng puno bilang isang taunang aktibidad para sa mga lokal na pamahalaan. Alinsunod sa batas, ang mga Pilipinong edad 12 pataas ay inoobligang magtanim ng kahit isang puno kada taon. Dahil sa RA 10176 ay nailunsad ang National Greening Program, na ipinatutupad simula Mayo 13, 2011, at nagtatakda sa pagtatanim ng nasa 1.5 bilyong puno sa 250-milyong ektarya ng pampublikong lupain pagsapit ng 2016. Pinangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources ang pagtatanim ng mga puno.

Tuwing Arbor Day, hinihimok ang mga indibiduwal at mga komunidad na magtanim ng mga tree saplings at halamang ornamental at kilalanin ang kahalagahan ng mga ito. Nagkakaloob ng lilim ang mga puno, nagbibigay ng tahanan para sa mga hayop; ang mga sinaunang puno ay nagsisilbi namang makasaysayang pananda. Gumagawa rin ang mga puno ng pagkain para sa mga tao at sa mga ligaw na hayop, sinisipsip at iniimbak ang ulan, at pinapanibago ang supply ng tubig, bukod pa sa nakapipigil sa baha. Nakatutulong din ang mga puno upang mabawasan ang alinsangan kapag tag-init.

Sa pagtanggap kay President-elect Rodrigo R. Duterte, inilunsad ng isang grupong makakalikasan ang “Duter-tree Challenge”, na nananawagan sa lahat ng Pilipino na magtanim ng puno tuwing Arbor Day, upang mabawasan ang epekto ng climate change. Layunin ng aktibidad na magtanim ng isang puno ang bawat indibiduwal sa sariling bakuran o sa alinmang bakanteng espasyo, at tiyaking lalaki ito at mapakikinabangan ng mga susunod na henerasyon.

Nagtatanim ang Subic Bay Metropolitan Authority ng mahigit 3,000 seedlings ng iba’t ibang puno sa Pastolan Village, tirahan ng tribung Aeta, upang mapangalagaan at maprotektahan ang kalikasan sa Freeport at special economic zone nito.

Ang unang Arbor Day sa mundo ay inilunsad sa isang maliit na Spanish village ng Villanueva de la Sierra noong 1805 ng paring si Don Ramos Vacas Roxo, na kasama ang iba pang mga pari, mga guro, at mga kapitbahay, ay nagtanim ng unang puno—isang poplar. Ang unang Arbor Day sa Amerika ay ipinagdiwang noong 1870 ni J. Sterling Morton, isang patnugot sa pahayagan. Siya ang nagpanukala na magkaroon ng isang araw ng pagtatanim ng puno noong Abril 10, 1872.

Kumalat na ang selebrasyon ng Arbor Day sa mundo at ipinatutupad na sa may 40 bansa. Karaniwang idinadaos tuwing tagsibol, nag-iiba-iba ang petsa, depende sa klima at sa akmang panahon ng pagtatanim. Sa Canada, ang Maple Leaf Day ay idinadaos tuwing National Forest Week; sa Belgium, ang International Tree Planting Day ay Marso 21; at sa Brazil, ang Arbor Day is Dia da Arvore, ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno sa mga eskuwelahan.