SA huling Kongreso, isang panukala ang inihain sa Kamara de Representantes upang hatiin ang Department of Environment and Natural Resources sa dalawang kagawaran—ang Department of Environment at Department of Natural Resources.
Sa 9th Biennial Convention ng of the Chinese Filipino Business Club sa Manila Hotel noong Pebrero, sa paglalahad sa kanyang plataporma bilang kandidato sa pagkapangulo, sinabi ni Vice President Jejomar Binay na sakaling mahalal siya ay hahatiin niya ang DENR. “Environment is really a problem. We need a separate department for it,” aniya. “Anything on natural resources, I would give to a Department of Natural Resources.”
Ang kalikasan ay naging pangunahing pandaigdigang usapin dahil sa climate change at sa patuloy sa pagtaas na temperatura sa mundo na, kalaunan, ay nagbunsod ng pagkatunaw ng mga glacier sa Arctic at Antarctic at nagresulta sa pagtaas ng karagatan. Pinangunahan ng Pilipinas ang pagpapaunlad ng renewable energy—partikular ang solar, wind, at geothermal power—upang unti-unting palitan ang enerhiya na ngayon ay nalilikha sa tulong ng uling at ng fossil fuels na nakasisira sa kalikasan.
Upang bigyan ng atensiyon ang kalikasan na karapat-dapat naman dito, nabuo ang hakbangin upang hatiin. Kasabay nito, may kaparehong hakbangin upang hatiin din sa dalawa ang Department of Transportation and Communication—sa pagkakataong ito, ang tinututukan naman ng atensiyon ay ang matindi at perhuwisyong trapiko sa Metro Manila, kaya napag-isipang mas mainam na magkaroon ng sariling Department of Transportation para rito. Nitong Mayo, nilagdaan ni Pangulong Aquino ang RA 10844 na lumilikha sa Department of Information and Communications Technology, at ang Department of Transportation ay isa na ngayong hiwalay na kagawaran.
Ang panawagan para hatiin din ang DENR ay nagbalik sa alaala sa harap ng mga ulat na pinili ni President-elect Duterte ang kilalang environmentalist na si Gina L. Lopez upang maging susunod na kalihim ng DENR. Agad namang bumulusok sa stock market ng Pilipinas ang mga sektor ng pagmimina at petrolyo. Ang pagkakatalaga kay Lopez ay makabubuti para sa mga environmentalist, ngunit isa itong malaking hamon para sa sektor ng pagmimina, komento ng isang analyst. Ilang oras makaraang magsara ang stock trading, tiniyak ni President-elect Duterte, nang magtalumpati siya sa harap ng mga negosyante sa Davao City, na may magandang kinabukasan ang pagmimina sa Pilipinas.
Dapat na magawa ng bagong kalihim na mabalanse ang pagsigla ng ekonomiya at ang pangangailangang protektahan ang kalikasan at ang mga komunidad ng katutubo, ayon sa pahayag ng Chamber of Mines of the Philippines nitong Miyerkules.
Magiging mahirap ang pagbabalanseng ito para kay Lopez.
Isa itong magandang pagkakataon upang ikonsidera ang panukalang hatiin ang DENR upang ang dalawang usapin—pagbibigay ng proteksiyon sa kalikasan, at pagpapaunlad sa likas na yaman—ay tiyak na mapagtutuunan ng atensiyon ng dalawang magkahiwalay na kagawaran.