“KAHANGA-hanga ang tila seryosong kampanya ngayon ng ating mga anti-illegal drug enforcement agencies, kung hindi ito magiging ningas-kugon, malamang wala pang anim na buwan ay ubos na ang mga pusher at adik sa Pilipinas,” ito ang halos pare-parehong saloobin ng ilan nating kababayan na matagal nang nawalan ng tiwala sa mga operatibang sa halip na manghuli ng mga drug pusher ay mga naging protektor pa ng mga ito.

Sino nga ba ang hindi mapapanganga sa dami ng pinatutumbang mga umano’y drug pusher at adik, na ngayon naman ay nasundan ng kanilang kusang-pagsuko dahil sa takot na mapasama sa mga tinatakpang diyaryo sa kalsada.

Pagpasok ng linggong ito, nagulat ako sa aking narinig sa ilang barangay na nadaanan ko rito sa Quezon City kaugnay sa umaalingawngaw na panawagan mula sa mga nakakubling loudspeaker: “Tulungan ang inyong mga kamag-anak, kaibigan at mga mahal sa buhay na lulong sa bisyong droga lalo na ang mga pusher, na magbagong buhay sa pamamagitan ng pagsuko.”

Hindi ko akalaing makaraan lamang ang ilang araw ay daan-daan na agad ang tatalima sa pakiusap na ito ng opisyales ng mga barangay sa pakikipagtulungan ng mga pulis sa kanilang lugar. At ang balita ito ay nagaganap ngayon sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.

Hindi naman kataka-takang mangyari ito ilang araw pa lamang matapos ang May 9 election na ang nanguna ay si incoming-President Rodrigo R. Duterte (RRD). Ito kasi ang ipinangako niya sa pangangampanya–ang supilin ang kriminalidad lalo na ang droga sa loob lamang ng anim na buwan. Kaya naman bago pa siya pormal na umupo bilang pangulo ng bansa, ‘di na magkandatuto ang mga opisyales na nakaupo at mga napipisil ni RRD na ilagay sa puwesto na magpasikat. Sabi nga ng matatanda: “Kung ano ang tugtog, iyon dapat ang sayaw.”

Pero sana, bago sila pumalaot sa mga ganitong operasyon para bigyang katuparan ang pangako ng bagong administrasyon - yung sarili muna nilang bakuran ang kanilang linisin. Marami kasing ulat tungkol sa mga operatibang adik at sa mismong opisina nila tumitira ng drogang isinusubi nila mula sa mga nakukumpiskang ebidensiya. Biglaang drug test sa lahat ng istasyon ng pulis, lalo na sa gabi, siguradong may mga masasapol.

Para sa inyong mga sumbong, reklamo, report, balita, papuri o puna, mga kuhang video at litrato ng mga ‘di inaasahang pangyayari, mag-text lamang sa Globe: 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012. Maaari ring mag-email sa:

[email protected]. (Dave M. Veridiano, E.E.)