Upang maging maayos ang trapiko sa San Juan City, nagtakda ng rerouting ang mga awtoridad para bigyang-daan ang Wattah! Wattah! Festival kaugnay ng kapistahan sa lungsod ngayong Biyernes.
Sa inilabas na abiso ni Renato L. Ramos, hepe ng POSO/ICO-TPM, sarado ngayong Biyernes ang N. Domingo Street mula sa kanto ng F. Blumentritt Street hanggang sa panulukan ng F. Roman Street, habang sarado naman ang A. Luna Street, mula sa Aurora Blvd. hanggang sa N. Domingo Street.
Pinayuhan ni Ramos ang lahat ng sasakyang manggagaling sa Ortigas Avenue at Santolan Road na patungong Maynila na dumaan sa Granada Street sa Quezon City, west bound, kaliwa sa Aurora Blvd., patungo sa kanilang destinasyon.
“All vehicles coming from Manila via Ramon Magsaysay Boulevard bound to Ortigas Avenue straight ahead to Aurora Blvd., right to Gilmore Street, then straight to Granada Street, straight ahead to Ortigas Avenue to their destinations,” dagdag niya.
Aniya, bukod sa mga signage ay nagtalaga rin ang lungsod ng mga traffic enforcer sa mga apektadong lugar.
Nabatid na iba’t ibang programa ang nakalinya ngayon para sa pagdiriwang ng Araw ng San Juan, na tatampukan ng Wattah! Wattah! Festival na ang lahat ng dadalo at makikisaya ay kailangang mabasa bilang pagpupugay kay St. John the Baptist. (Mac Cabreros)