Nakisosyo si Texas-based Filipino Grandmaster Julio Catalino Sadorra sa kampeonato sa dalawang torneo na nilahukan sa Amerika bilang paghahanda sa 42nd World Chess Olympiad sa Setyembre 1-14, sa Baku, Azerbaijan.

Unang nakisalo si Sadorra sa three-way tie sa unang puwesto kina International Masters Darwin Yang at Zurabi Javakhadze sa Texas State Championship sa natipong 5.5 puntos, subalit nagkasya lamang sa ikalawang puwesto sa 28 tiebreak score sa likod ni Yang (27.5).

Nanguna rin siya sa Masters Division ng Continental Class Championships na ginanap sa Washington, dalawang linggo ang nakalipas, sa pagtala ng apat na puntos sa limang round upang talunin sina GM Sergey Erenburg, IM Irine Sukandasr at Priyadharshan Kannappan sa pamamagitan ng tiebreak.

“I’m doing my best training physically and on the board every week,” sambit ni Sadorra.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

“Next event will probably be in Ohio, there’s an open event there, then back to Houston, Texas for the Houston Chess Festival where I’m sure to play the European GMs from the chess colleges.”

Inaasahan na makukuha ni Sadorra ang isa sa dalawang silya para sa nominasyon ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) upang maging parte ng pambansang koponan na nakatakdang lumahok sa Baku para maglaro sa top board tulad ng ginawa nito sa huling edisyon ng Olympiad sa Tromso, Norway, dalawang taon na ang nakalipas.

Ang isa pang nominasyon ay pinag-aagawan naman ng mga kapwa US-based player na sina GM Oliver Barbosa, at Mark Paragua.

Ang tatlong silya ay kasalukuyang pinaglalabanan sa ginaganap na Battle of the Grandmasters sa PSC Athletes’ Dining Hall sa Manila kung saan kasalukuyang nangunguna sina GM Eugene Torre, Jayson Gonzales at IM na sina Paulo Bersamina at Chito Garma. (angie oredo)