Hindi na nasikatan ng araw ang isang pedicab driver matapos pagsasaksakin hanggang sa mamatay ng kanyang nakaalitan habang mahimbing siyang natutulog sa kanyang sasakyan sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival si Francisco Gaquit Jr., 28, ng No. 1624 Saint Peter Street, Barangay 179, Zone 20, sa San Juan de Dios Hospital dahil sa tinamong saksak sa dibdib.

Inilarawan ng mga saksi sa pulisya ang nakatakas na suspek na may taas na 4’7”, nasa 25 anyos, balingkinitan, maitim, at may suot na itim na T-shirt at short pants.

Ayon sa pulisya, dakong 1:30 ng umaga nang mamataan si Gaquit at isang hindi kilalang lalaki habang nagbabangayan sa loob ng DLTB Bus Terminal sa Pasay City.

VP Sara, magdiriwang ng birthday sa The Hague: 'Nag-promise ako sa mga magulang ko'

Matapos ang ilang minuto, namagitan ang mga istambay sa lugar upang maiwasan ang suntukan ng dalawa.

Sa puntong ito, bumalik si Gaquit sa kanyang pedicab upang magpahinga.

Sa kalagitnaan ng kanyang pagtulog, dumating ang suspek at bigla na lamang bumunot ng patalim na isinaksak sa biktima.

Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang suspek na agad tumakas. (Martin A. Sadongdong)