Inaasahang aabot sa P55 bilyon o higit pa ang mawawala sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kada taon kung ibababa sa 25 porsiyento ang income tax (IT) rates para sa mga indibiduwal at mga kumpanya mula sa umiiral na 32 porsiyento.

Ito ang pagtaya ng mga opisyal na direktang nangangasiwa sa koleksiyon ng buwis matapos ipangako ng papasok na administrasyong Duterte na tatapyasan nito ng pitong porsiyento ang income tax rate.

Nagbabala si BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares sa mga susunod na opisyal ng kawanihan na maging maingat sa pagbabago sa tax rates dahil maaari itong magbunsod ng kakapusan sa pondo na magreresulta naman sa pananamlay ng mga programang pang-ekonomiya at serbisyo ng gobyerno.

Ayon sa record, ang income tax ang nag-iisa at pinakamalaking pinagmumulan ng koleksiyon ng BIR, na umabot sa P784 bilyon, o 60 porsiyento ng P1.3 trilyon na nakolekta noong 2014.

<b>Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina</b>

Sinabi ng mga opisyal ng BIR na kung aaprubahan ng Kongreso ang pagtapyas ng pitong porsiyento, ang P784 bilyon na nakolektang ito ay mababawasan ng P55 bilyon taun-taon o maaaring higit pa.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Atty. Paula Alvarez, tagapagsalita ni incoming Finance Secretary Carlos Dominguez, na maaari namang mabawi ang mga mawawalang pondo mula sa ibang sources, gaya ng pagtataas ng excise tax rates sa mga hindi pangunahing bagay o luxury items, tulad ng sasakyan, alahas, pribadong eroplano o yate, at iba pang gaya nito.

Binanggit din ni Alvarez ang pagpapasigla sa voluntary tax compliance upang makalikom ng mas maraming pondo.

(Jun Ramirez)