SA pagluluklok sa bagong administrasyon sa Hunyo 30, anim na araw mula ngayon, agad na kikilos ang mga bagong opisyal upang maipatupad ang mga kinakailangang pagbabago sa kani-kanilang hurisdiksiyon, at prioridad ng mga tagapagpatupad ng batas na tuluyan nang sugpuin ang krimen, partikular na ang ilegal na droga.
Mahalaga ring masolusyunan ang suliranin sa edukasyon, kalusugan, produksiyon ng pagkain, supply ng kuryente, trabaho, kahirapan, pambansang seguridad sa mga lugar na may presensiya ng mga rebelde, at agawan ng teritoryo sa South China Sea. Ang isang problema na matagal nang pumuperhuwisyo sa mga Pilipino ay ang matinding trapiko sa Metro Manila, na nakapagdudulot ng malaking lugi sa ekonomiya at labis na nakaaapekto sa kalidad ng buhay ng mga nasa kabiserang rehiyon ng bansa.
Sinimulan na ng mga uupong opisyal ng transportasyon, sa pangunguna ni Secretary Arthur Tugade, na ikonsidera ang maraming hakbangin na layunin nilang magbigay ng solusyon sa problema sa trapiko. Kabilang sa mga panukalang solusyon ang pagbubukas sa mga pribadong subdibisyon sa mga motorista, paglilinis sa mga kalsada mula sa mga kolorum na bus, paglilipat ng mga terminal at pamilihan mula sa mga pangunahing lansangan, at pagpapabuti ng serbisyo ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) upang mas marami ang makasakay sa mga ito kaysa lumulan pa sa mga bus, jeepney, at pribadong sasakyan. Upang mapabilis ang mga proyektong imprastruktura, pinag-aaralan ng mga bagong opisyal na hilingin sa Kongreso ang pagkakaloob ng emergency powers upang mapabilis ang proseso sa bidding.
Hinangad ng papatapos na administrasyong Aquino na maresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila sa pamamagitan ng mas maayos na pagpapatupad ng mga regulasyon sa trapiko, sa pangangasiwa ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police. May mga panukala rin para sa pagkakaroon ng mga emergency steel bridge at overpass, ngunit pinili ng gobyerno na ipagpatuloy ang pagkumpleto sa mga pangunahin at nakataas na kongkrestong expressway na aabutin pa ng ilang taon bago matapos. Walang nabanggit tungkol sa daan-daang libong sasakyan na nadadagdag bawat taon sa nakalulula na sa kapal na trapiko sa Metro Manila at sa mga karatig na lalawigan. At nananatili pa ring hindi nareresolba ang problema hanggang ngayon.
Ang suliraning ito ay ipapasa na sa bagong administrasyon, sa mga bagong opisyal na mas bukas sa mga bagong ideya, na handang sumubok ng mga bagong paraan, hanggang umabot na sa puntong hilingin nila sa Kongreso na aprubahan ang emergency powers upang maisantabi kung kinakailangan ang ilang limitasyong legal maresolba lang ang problema.
Ang mga bagong opisyal ang may pinakapaborableng bentahe dahil hindi sila maaapektuhan ng anumang interes na nakapigil sa mga dating opisyal. At nagpupursige sila dahil sa ideya ng pagbabago, na siyang nagpaangat kay Pangulong Duterte sa iba pang kandidato noong halalan. Bitbit sa puso ang bagong sigla at pagpupunyaging ito ng bagong administrasyon, malaki ang ating pag-asam na mareresolba na rin, sa lalong madaling panahon, ang problema sa trapiko sa Metro Manila.