PARANG sirang plaka si Pangulong Digong. Simula nang humarap siya sa mga mamamahayag nang siya’y magwagi sa panguluhan hanggang ngayon, halos pare-pareho ang kanyang sinasabi. Ang kainaman naman nito, dahil wala siyang handa at nakasulat na sinasabi mula’t sapul na humarap siya sa publiko, iyon lang mga nakatanim sa kanyang isip, o kaya sa puso, ang lumalabas sa kanyang bibig. Kaya ako ay isa sa kumakatig na bigyan siya ng emergency power sa paglutas niya sa problema natin sa trapiko.
“Corruption must stop,” ito ang kanyang laging sinasabi at naririnig natin sa kanya. Ang emergency power kasi ay puwedeng abusuhin. Inaabuso ito ng mga binigyan ng mga binigyan ng kapangyarihan, hindi lamang sa ikapipinsala ng mamamayan kundi sa ikakapal ng kanilang bulsa. Corruption ang sumisira ng buod at magandang layunin ng emergency power. Dahil bukambibig ni Pangulong Digong na kailangan matigil ang katiwalian, may pagtatanganan ang mamamayan para panaligan siya. May dahilan para ipagkatiwala ang emergency power na imumungkahing ibigay sa kanya.
Si dating Pangulong Gloria, ngayon ay kongresista ng Pampanga, ay nakatakdang maghain ng bill sa kamara na pinamagatan niyang “Metro Manila Traffic Crisis Act of 2016” para bigyan ng emergency power si Pangulong Digong. Sa loob ng dalawang taon, pinahihintulan ng bill ang Pangulo na pumasok sa negotiated contract ukol sa traffic at transportation project ng walang bidding sa ilalim ng mga ilang kondisyon. Kabilang sa mga kondisyon na ito ay ihayag ang listahan ng mga proyekto, halaga ng mga ito, at ang mga pagbibigyang kontraktor ay kilala at may karanasan sa mga kagayang proyektong kanilang gagawin. Sasailalim ang mga naibigay na proyekto sa mga patakaran ng Commission on Audit (COA).
Kahit anong higpit ng mga kondisyon ng batas, may paraan ang mga nasa gobyerno kung paano sila lulusot at lalabagin ang mga ito. Kahit ba ang bidding ay isinasapubliko, tulad ng ipinapanukala ni Speaker Sonny Belmonte, madali sa kanila ang magpalusot. Lahat ng palusot ay ginawa ng Partido Liberal ni Belmonte upang maibigay ang kontrata ukol sa transportasyon at trapiko sa mga walang kakayahan at hindi karapat-dapat na gumawa ng mga proyekto. Kasakiman at katiwalian ang nagpalala sa problema natin sa traffic. Parang wala ito kay Pangulong Digong dahil paulit-ulit niyang sinasabi na kailangan tumigil na ang katiwalian sa gobyerno na puwedeng panaligan ng mamamayan sa ngayon.
(Ric Valmonte)