Umapela ang Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) sa mga lokal na awtoridad na nagpapatupad ng curfew hours sa kani-kanilang lugar na tiyakin na maayos na nahahawakan ang mga kaso bago ikulong ang mga magulang o tagapagbantay ng mga menor de edad.
Batay sa reach-out operation ng DSWD, ang mga menor de edad sa lansangan ay dapat na dalhin sa kanilang mga tahanan sa unang paglabag at kukunan ng written agreement ang kanilang mga magulang o tagapagbantay at bibigyan sila ng counselling upang maiwasan na muli silang gumala sa mga lansangan.
Sa ikalawang paglabag, ang bata ay dapat na isailalim sa kustodiya ng City Social Welfare Development o DSWD depende sa assessment sa kaso ng bata at ng kanyang pamilya.
Batay sa ipinatutupad ng ilang barangay at local government unit (LGU), ang mga magulang ng mga menor de edad na mahuhuli sa ikatlong paglabag ay aarestuhin. Pagbabayarin sila ng kaukulang multa bago papayagang makalabas sa kulungan.
Magkakaiba ang prosesong ito sa bawat barangay at LGU batay sa kanilang mga ordinansa.
Ipinunto ng DSWD na ang mga bata o mga menor de edad ay nasa lansangan sa iba’t ibang dahilan gaya ng pang-aabuso sa loob ng kanilang mga tahanan, pagiging palaboy, walang makakain, peer pressure, at iba pa.
Sinabi ng Department na mahalaga na ma-assess ang bawat kaso para sa pagkakaloob ng tamang pamamagitan sa mga menor de edad na nasa labas ng kanilang mga tahanan sa mga oras ng curfew.
Inirekomenda ng DSWD-NCR na magkaroon ng processing center ang mga barangays o LGU kung saan maaaring i-assess ang mga menor at pagkalooban ng immediate counseling o iba pang pangangailangan.
Pinaalalahanan din nito ang publiko na ang “reaching-out” ay hindi lamang tungkol sa paghuli sa mga magulang at pagpataw ng multa kundi higit dito ang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga menor de edad, na dapat ay unang natutugunan sa kanilang mga tirahan.
Hiniling din ng DSWD-NCR ang pamamagitan ng Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) bilang first responder sa mga pangangailangan ng mga bata kapag sila ay napapabayaan sa kanilang mga tahanan. (ELLALYN DE VERA)