Arestado ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Station 11 ang isang babae na tinaguriang “spotter” ng isang big-time robbery group habang namimili ng panghanda para sa kanyang kaarawan sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Senior Insp. Edward Garcia Samonte, ang suspek na si Jocelyn Hernandez, alyas “Nikki”, ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 105.
Nabatid na ang suspek ay ikalima sa most wanted person sa MPD-Station 11.
Sinabi ni Station Commander Emerey Abating, dakong 1:00 ng hapon nang maaresto ang suspek sa loob ng isang sangay ng SM Hypermarket sa Quezon City.
Sinabi ng pulisya na si Samonte ay nagsilbing “spotter” ng Colangco Robbery Group at Ozamis Bank Robbery Gang bago nila biktimahin ang isang establisimyento.
Kabilang sa mga sinalakay ng grupo ni Samonte ang isang bangko sa North EDSA, na natangay ng mga salarin ang milyong pisong halaga ng salapi.
Sinasabing naging sangkot ang suspek sa mga panghoholdap sa mga bangko, jewelry shop sa Metro Manila, Luzon at Vizayas.
Matinik umano ang suspek at laging nakakatakas sa kanilang operasyon na ginawa sa Cavite, Batangas, Bulacan at Maynila.
Tumanggi naman ang suspek na magkomento laban sa mga alegasyon sa kanya. (Mary Ann Santiago)