DAVAO CITY – Tatlong posisyon na lamang ang bakante sa Philippine Sports Commission (PSC).

Ayon kay incoming PSC chairman William “Butch” Ramirez, nakalaan ang isang puwesto para sa babaeng aplikante, ngunit tumanggi ang nagbabalik na pinuno ng government sports agency na pangalanan ang mga aplikante sa tatlong posisyong nalalabi bilang commissioner.

“It’s up to the screening committee to announce. Right now, I just want to announce that I already accepting the post as chairman of the PSC,” pahayag ni Ramirez.

Ito ang ikalawang pagkakataon na pamumunuan ng 65-anyos na si Ramirez ang PSC na pinangasiwaan niya sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Who am I to refuse President Duterte,” pahayag ni Ramirez sa panayam ng DXAB 1296, sa Davao City.

Aniya, ipinarating ng Pangulong Duterte ang kanyang appointment sa pamamagitan ni special adviser to the Presidential Management Team Christopher Lawrence “Bong” Go.

Kinumpirma rin, aniya, sa kanya ni Go ang pagkakapili kay dating PBA player Ramon ‘El Presidente’ Fernandez bilang isa sa apat na commissioner.

Sa kanyang pagbabalik sa PSC, malinaw umano ang habilin ni Duterte na ayusin ang budget ng ahensiya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) batay sa ipinag-uutos ng batas.

Kabilang din sa reporma na nais ng bagong administrasyon ang pagpapataas ng kalidad ng mga sports facility gayundin ang pagsuporta sa pangangailangan ng mga atletang may kapansanan at pagpapaunlad ng indigenous games.

Nakatakdang makipagpulong si Ramirez sa kasalukuyang pamunuan ng PSC, sa pangunguna ni chairman Richie Garcia, sa Martes para sa formal turnover bago ang panunumpa ni Duterte bilang pangulo ng bansa sa Hunyo 30.

“Kilala ko naman ang mga dadatnan ko sa PSC kaya madali na ang transition,” sambit ni Ramirez, naglingkod bilang pinuno ng Davao City Sports Center, isa sa departamento ng pamahalaang lungsod. (Yas D. Ocampo)