HABANG nalalapit ang panunumpa sa tungkulin ni President-elect Rodrigo Duterte, lalong sumisidhi ang mga pahiwatig ng ilang sektor na si Vice President-elect Leni Robredo ay angkop lamang na maging miyembro ng Gabinete ng bagong administrasyon. Katunayan, may ilang kaalyado ng bagong-halal na Pangulo ang naghahangad na makatuwang sa pamamahala ang Pangalawang Pangulo; maging ang ilang sektor ng simbahan ay nagpahayag ng gayong mithiin.

Wala pang malinaw na pasya si Duterte hinggil sa naturang isyu bagama’t may mga pahiwatig na tila walang puwang si Robredo sa bagong Gabinete. Dapat lamang asahan ang ganitong paninindigan lalo na kung isasaalang-alang na ang bagong-halal ng Bise Presidente ay mula sa katunggaling partido. Marami pang mga kapanalig ang bagong liderato na marapat lamang unang maitalaga sa iba’t ibang puwesto. Isang malaking insulto kung sila ay masasapawan pa ng mga walang kaugnayan sa tagumpay ng kanilang lapian.

Naniniwala ako na ang sinasabing pagtanggi kay Robredo ay hindi nangangahulugan ng kawalan niya ng kakayahan sa pagganap ng anumang tungkulin. Malawak na rin ang kanyang mga karanasan na lalo pang pinalawak bilang isang mambabatas. Subok na ang kanyang liderato, lalo na sa paglutas ng problema sa pagdarahop ng tinatawag na marginalized sektor. Malimit niyang sinasabi na ang pamumuhay ng mga maralitang nasa laylayan ay kailangang maiangat. Milyun-milyong botante ang sumuporta sa kanya, bagama’t may mga haka-haka na ang kanyang tagumpay ay nabahiran ng mga pag-aalinlangan.

Subalit angkin ni Duterte ang karapatan at kapangyarihan na pumili ng mga bubuo ng kanyang Gabinete, tulad ng kanyang nagawa na. Bagama’t hindi pa pormal na nanunungkulan, hindi miminsang binigyang-diin ng bagong pamunuan na ang mga miyembro ng Gabinete ay may integridad, tapat sa tungkulin, may sapat na kakayahan at determinado sa paglipol ng katiwalian sa kani-kanilang mga departamento.

Hindi na bago sa atin ang mga batayan ng pagbuo ng Gabinete ng nakaraang mga administrasyon. Inuuna nila ang kanilang mga kasangga, lalo na ang mga nakatuwang nila sa tagumpay. Mga kamag-aral, kainuman, kamag-anak at iba pa ang may prayoridad kahit na ang ilan sa mga ito, sa kalaunan, ay palpak sa kanilang tungkulin; nananatili sa puwesto kahit na ang administrasyon ay pinuputakti ng katakut-takot na pagtuligsa.

Anupa’t ang puwesto sa Gabinete ay hindi ipinakikiusap. Ito ay kusang-loob na iniaalok sa sinumang kaalyado ng alinmang partido. (Celo Lagmay)