DUBLIN (AP) — Kulang sa kinang ang pagbabalik ng golf competition sa Olympics.

Isa pang bituin sa larangan ng sports ang hindi mapapanood sa Rio Games matapos tumanggi sa paglahok si dating world No.1 at major champion Rory McIlroy.

Tahasang ibinigay na dahilan ng Irish golf superstar ang takot sa lumalalang Zika virus sa Brazil.

“It’s a risk I am unwilling to take,” pahayag ni McIlroy, kasalukuyang No.4 sa world ranking.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

“After speaking with those closest to me, I’ve come to realize that my health and my family’s health comes before anything else,” sambit ng four-time major winner sa opisyal na pahayag na inilabas ng kanyang management company.

Lalaruin ang golf sa Olympics sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1904 kung kaya’t dagok sa sports ang pagkawala ni McIlroy.

Iginiit ng 27-anyos na si McIlroy na plano niya at ng kinakasamang si Erica Stoll na magbuo ng pamilya sa hinaharap.

Batay sa pagsusuri ang Zika virus na nakukuha sa kagat ng lamok at naisasalin din sa pamamagitan ng pakikipagtalik.

Ito ang itinuturong dahilan sa pagkakaroon ng abnormal na sukat ng ulo at utak ng sanggol.

Bukod kay McIlroy, nauna nang umatras sa Olympics ang mga sikat na golfer na sina Australian Marc Leishman at Adam Scott, South African Louis Oosthuizen at Charl Schwartzel, at Fijian Vijay Singh.