Nakatakdang simulan ng Letran ang title retention bid, habang tatangkain ng season host San Beda College na mabawi ang koronang nawala sa kanila noong nakaraang taon sa pagbubukas ng ika-92 taon ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa Sabado (Hunyo 25), sa MOA Arena sa Pasay City.

Inaasahang hindi lamang husay sa paglalaro ang ipamamalas ng mga atleta kundi maging pusong palaban, ayon kay NCAA president at San Beda rector Fr. Aloysius Maranan para sa panibagong taon ng kompetisyon na magsisimula ganap na 12:00 ng hapon sa pamamagitan ng tradisyunal na opening rites na iinog sa tema ng pagdiriwang na “Sports Building Character: Achieving breakthrough @ Season 92”.

“We’re expecting a very exciting NCAA season not just in basketball but in all our sports as well,” ayon kay Maranan sa press conference na idinaos kahapon, sa Coral Hallway ng MOA Arena.

Tampok din sa opening rites ang gagawing pagreretiro ng liga sa No.14 jersey ng yumaong Philippine Basketball legend na si Caloy Loyzaga.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Inimbitahan para sa okasyon ang pamilya ng dating San Beda star, sa pangunguna ni dating Philippine Sports Commission Commissioner Chito Loyzaga, ayon kay Management Committee chairman Jose Mari Lacson.

“Caloy Loyzaga has made not just San Beds and NCAA but also the whole Philippines proud so it’s about time we return what he had done by honoring him with this,” sambit ni Lacson.

Si Loyzaga, pumanaw nitong Enero, ay nagwagi ng dalawang kampeonato sa San Beda noong 1951 at 1952. Namuno sa RP Team sa FIBA-Asia Championships noong 1960 at 1963, gayundin sa apat na Asian Games gold medal noong 1951, 1954, 1958 at 1962, at sa bronze medal finish sa FIBA World noong 1954 sa Rio Janeiro sa Brazil.

Ang mga laro sa NCAA ay ipapalabas sa ABS CBN Sports+ Action channel tuwing Martes, Huwebes at Biyernes.

(Marivic Awitan)