ISA-ISA nang inaagaw ng alaala at ng kasaysayan ang mga higante ng talino at pulitika ng bansa. Iilan na lang silang natitira sa ating paligid?

Marahil ay mabibilang na lang sa ating mga daliri – sina dating Senador Helena Benitez, Eva Kalaw, Dominador Aytona, at iba pa.

Sa patapos na Senado – retirado ang katangi-tanging dunong at karanasan ng isang Juan Ponce Enrile. Habang humahakbang ang panahon, lalong namumulubi ang sambayanan. Ang kasalukuyang henerasyon ipinagkakaitan ng mga kahalintulad na tao, na animo’y madamut iniluwal sa sinapupunan ng Inang Bayan.

Si Manong “Ernie” Maceda ay nagpaalam na sa magulong mundo ng Pilipinas. Hindi na natin siya makakasama, o kailan ma’y mababasa sa mga panulat, at kanyang pinasikat na mga “expose” (Halimbawa, ang “Borloloy Building”), at noong sumibol ang kanyang katanyagan bilang Senate President.

Hindi mailap ang kasaysayan na itala ang kanyang buhay dahil naging bahagi siya nito bilang abogado at bar topotcher; PACD (Pres’l Assistant for Community Development) Secretary sa Pamahalaan ni Marcos; isa sa dalawang Senador na nakalusot sa Nationalista Party noong kainitan ng Plaza Miranda Bombing. Una ko nakilala si Manong Ernie sa tahanan ni Salvador “Doy” Laurel.

Dahil dating kasamahan ni Marcos, siya ang ginawang tulay noong 1981 upang subukang kumbinsihin si Doy na huwag tumakbo bilang Pangulo kontra kay Marcos.

Nagugunita ko pa ang mga salitang binigkas niya, “Ayaw ng Presidente na tumakbo ka. Dahil tumatanaw siya ng utang na loob sa mga Laurel.”

Kung kinakailangan pa raw, si Marcos mismo ang bibisita kay Doy upang pakiusapan. Nang tanungin ni Laurel si Maceda, “Eh paano si Gerry Roxas?” Sagot niya, “Sabi ni Presidente madali siya masahin.” “Eh si Ninoy?” Balik-tanong ni Doy.

“Kami na ang bahala kay Ninoy.” Mabait at madaling kausap si Manong Ernie.

Isa sa payo niya sa aking ama, “Rene, dapat naghintay ka manalo ulit na Senador, bago mo batikusin si Cory.” Ilan sa mga huling pagsasama namin ay nang tulungan ko si Pangulong Erap tumakbo muli sa pagka-presidente. Tinanong ko siya bakit ‘di sumulat ng kanyang talang buhay. “Dahil,” wika niya, “dapat makatotohanan.

Baka may mga masagasaan at mabibisto. Halimbawa, si Ninoy sa kanyang apartment sa New York.” Naanyayahan ko pa siya sa aking programa sa telebisyon (Republika, 8:00 ng gabi, tuwing Martes, Channel 8, Sky 213).

Pahinga ka na, Manong Ernesto Maceda! (Erik Espina)