Pabor ang mga mambabatas sa pagkakaloob ng emergency powers kay President-elect Rodrigo Duterte upang tuluyan nang maresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila at sa mga kalapit na lalawigan.
Sinabi nina House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. at Quezon City Rep. Winston Castelo, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na hindi sila magdadalawang-isip na suportahan ang panukalang emergency powers para sa susunod na pangulo ng bansa upang masolusyunan na ang matagal nang problema sa trapiko.
“Yes, let us give him emergency power, but we have to specify these powers,” sinabi ni Belmonte sa mga mamamahayag matapos pangunahan ang inagurasyon ng bagong House Legislative Library, Archives and Museum Building na tatampukan ng una at nag-iisang electronic legislative library sa bansa.
Gayunman, hindi pinaboran ni Belmonte ang panukalang suspendihin ang mga bidding at alisin na ang proseso sa procurement sa loob ng dalawang taon.
“Mas maganda may bidding. Medyo complicated ‘yung doing away with the public bidding,” ani Belmonte.
Una nang sinabi ni incoming Transportation Secretary Arthur Tugade na saklaw ng emergency powers ang posibilidad ng pagsuspinde sa mga bidding.
Sinabi naman ni Castelo, opisyal ng Liberal Party, na siya ay “100-percent supportive” sa panukalang emergency powers para kay Duterte.
“Drastic problems requires drastic solutions,” sinabi ni Castelo sa isang hiwalay na panayam. “Duterte himself should serve as our traffic czar.”
Bukas din sa nasabing panukala si Senate President Franklin Drilon, gayundin si Senator Grace Poe. (Charissa M. Luci)