MAY tatlong paraan para maipatupad ang pag-amyenda sa Konstitusyon ng Pilipinas. Ang una ay sa pamamagitan ng Kongreso, sa bisa ng boto ng three-fourths ng lahat ng kasapi nito. Ang isa pa ay Constitutional Convention (Con-con). Ang ikatlo ay sa pamamagitan ng People’s Initiative, na ang isang panukala ay inaaprubahan ng nasa 12 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante, at nasa tatlong porsiyento ng mga boto sa bawat isang congressional district sa bansa.
Sa tatlong ito, mistulang ang Constitutional Convention ang pinakamainam. Ang mga miyembro nito ay kakailanganing ihalal, hindi gaya ng Constitutional Commission (Con-com) na lumikha sa umiiral na 1987 Constitution, na ang mga kasapi ay itinalaga ni noon ay Pangulong Corazon C. Aquino.
Ilang linggo na lang bago ang pagsisimula ng administrasyong Duterte sa Hunyo 30, nagkaroon na ng mga talakayan tungkol sa mga pagbabago na maisasakatuparan lamang kung aamyendahan ang konstitusyon. Prioridad sa mga ito ang pagtatatag ng isang highly decentralized na uri ng gobyerno, sa layuning mapabilis ang pagpapaunlad sa maraming rehiyon sa bansa na mistulang napabayaan na.
Iminumungkahi na matutupad ito sa pagkakaroon ng federal na uri ng gobyerno. Ang federal government ay maaaring pamunuan ng isang pangulo, gaya sa Amerika, o maaaring may kaakibat na parlamento na pinangungunahan ng isang prime minister, gaya ng umiiral sa maraming bansa sa Europa.
Ang federal na uri ng gobyerno ang magbibigay sa mga regional government ng awtonomiya sa pagdedesisyon sa usaping pang-ekonomiya at pulitikal. Maaaring magkaroon ng sarili nilang rehiyong awtonomiya ang mamamayang Bangsamoro, alinsunod sa Bangsamoro Basic Law (BBL) na nabimbin sa huling Kongreso. Ngunit gayon din ang maipagkakaloob sa iba pang grupo sa bansa na may espesyal na pagkakabuklud-buklod, gaya ng mga taga-Cordillera, ang mamamayan ng Hilaga, Gitna at Katimugang Luzon, ang mga Bikolano, ang mga taga-Silangan, Gitna at Kanlurang Visayas, at ang mga nakatira sa Hilaga at Katimugang Mindanao.
Magkakaroon din ng iba pang mga pag-amyenda. Hinangad ng Kamara de Representantes sa huling Kongreso na paluwagin ang ilang limitasyon sa dayuhang pamumuhunan sa pagdadagdag ng bahagi sa bawat limitasyon “unless otherwise provided by law.” Ngunit maaaring magkaloob ito sa mga susunod na Kongreso ng hindi kinakailangang kapangyarihan na hindi na mangangailangan ng ratipikasyon o pagpapatibay ng mamamayan.
Tama lang na isagawa na ang mga hakbangin upang amyendahan ang Konstitusyon sa pagsisimula ng bagong administrasyon.
Nagkaroon na ng mga pagtatangka sa hakbanging ito tuwing papatapos ang isang administrasyon, kaya naman tumitindi ang hinala na nais lamang ng mga papatapos na ang termino na mapalawig ang pagkakaluklok sa puwesto sa pamamagitan ng pag-amyenda sa batas. At ang kasalukuyang pagsusulong sa pagbabago sa Konstitusyon ay nagpapakita na ang tunay na layunin ay reporma upang mapabuti ang sistema ng pamumuno sa ating bansa.