IPINAGDIRIWANG ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ika-118 anibersaryo ng pagkakatatag nito ngayong araw. Ang DPWH ang pangunahing sangay ng gobyerno sa engineering at pagawain, at responsable sa pagpaplano, pagdidisenyo, pagpapagawa at pagmamantine ng mga imprastruktura gaya ng mga kalsada at tulay, ng flood control system, ngmga proyekto sa water resource development, at ng iba pang pagawaing publiko na may kaugnayan sa mga pambansang hangarin.
Ang kasaysayan ng pampublikong pagawain sa kapuluan ng Pilipinas ay matutunton noong 1565 nang gawin ang mga unang settlement road. Makalipas ang ilang siglo, itinalaga ng Hari ng Espanya, sa bisa ng dekrito ng kaharian nito noong 1867, ang gobernador ng Espanya sa isla bilang punong kalihim ng mga pampublikong pagawain, katuwang ang “Junta Consultiva.”
Taong 1868 nang itinatag ang Obras Publicas—Bureau of Public Works and Highways—katuwang ang Communicacionces v Meteologia—Bureau of Communication and Transportation—sa pamumuno ng isang inhinyerong sibil na nagsilbing direktor heneral. Sumailalim ang kawanihan sa mahabang proseso ng pag-unlad at ebolusyon na naglatag ng batayan para sa imprastrukturang pisikal sa bansa.
Noong Hunyo 23, 1898, panahon ng rebolusyon, itinatag ng Organic Decree of the Philippine Revolutionary Government na ipinalabas ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Department of War and Public Works, kasama ang tatlo pang ibang kagawaran.
Makalipas ang ilan pang pagbabago, sa bisa ng Executive Order No. 124 na may petsang Enero 30, 1987, ay binago ang kagawaran at kilala na ngayon bilang DPWH.
Sa kanyang talumpati para sa anibersaryo ng kagawaran noong nakaraang taon, pinuri ni Pangulong Benigno S. Aquino III, kung paanong “from an image of corruption in the past, the department is now looked upon as an efficient government service institution.” Partikular na tinukoy niya ang estratehiyang ipinatupad ng kagawaran upang magkaroon ng reporma, ang 5Rs: “Right projects, at the Right cost and Right quality, and accomplished at the Right time with the Right people.”