ZAMBOANGA CITY – Tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay at 26 na iba pa ang nasugatan, kabilang ang 16 na sundalo, sa 90-minutong sagupaan sa isang liblib na sitio sa Patikul, Sulu, nitong Martes ng hapon.
Iniulat kahapon ni Maj. Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom), na nakaengkuwentro ng mga tauhan ng 32nd Infantry Battalion, sa pangunguna ni Lt. Col. Ramon Flores, ang may 200 armadong miyembro ng Abu Sayyaf dakong 2:20 ng hapon sa Sitio Bud Duwa Bayho sa Barangay Pansul, Patikul, Sulu.
Tumagal ng 90 minuto ang sagupaan hanggang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf ang nasawi, at 10 iba pa ang nasugatan.
Sinabi ni Tan na 16 na sundalo ang nasugatan sa sagupaan, at agad na isinugod sa Kuta Heneral Teodolfo Bautista Trauma Hospital sa Barangay Busbus, Jolo.
Habang ipinagpapatuloy ng militar ang operasyon nito sa Sulu, nakubkob naman ng 45th Infantry Battalion ng Philippine Army ang dalawang malalaking kampo ng Abu Sayyaf sa Bgy. Sinumaan, Talipao, Sulu.
Ipinagpapatuloy ng AFP ang military operations sa Sulu upang mailigtas ang mga natitirang bihag ng grupong bandido.
(NONOY E. LACSON)