DAVAO CITY – Bilang resulta ng kampanyang “TokHang” sa Davao region, umabot sa 152 katao na sangkot sa ilegal na droga ang sumuko sa awtoridad sa Panabo City, ilang araw bago manumpa sa tungukulin si incoming President Rodrigo Duterte.
Bunsod ng pagpapatupad ng TokHang o pagkukumbinsi sa mga gumagamit o nagtutulak ng droga na magbagong-buhay na, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 11 Legal Counsel Behn Joseph Tesiorna na dumagsa sa kanilang tanggapan ang mga hinihinalang drug personality sa lugar.
Aniya, isasailalim ang mga ito sa iba’t ibang klasipikasyon, kung may kinahaharap silang kaso o wala sa pulisya.
“Hindi ito nangangahulugan na kung wala kayong kaso ay babalewalain na kayo ng pulisya,” pahayag ni Tesiorna sa AFP/PNP Press Corps Forum na ginanap sa Davao City Police Office (DCPO).
Iginiit ng PDEA official na susubaybayan nila ang mga sumuko bagamat ilan sa kanila ay kabilang na sa listahan ng drug personality ng Philippine National Police (PNP).
“We continuously talk with the Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC),” ayon naman kay DCPO spokesperson Milgrace Driz.
Ayon pa kay Driz, malaking tulong ang mga opisyal ng barangay sa pagtukoy sa mga drug user at pusher sa kani-kanilang komunidad. (Yas D. Ocampo)