HANGO sa popular na nursery rhyme ang Tatlong Bibe ang laman ngayon sa YouTube at Facebook pati na ng iba’t ibang TV shows.
Nagsimula ang pagkakahumaling ngayon ng lahat sa Tatlong Bibe sa Bibe Dance sa romcom na Be My Lady na pinagbibidahan nina Erich Gonzales at Daniel Matsunaga. Hindi naglaon, ang search para sa Tatlong Bibe, the nursery song ay pumutok sa YouTube at ang views ay umabot na sa pitong milyon. Agad itong nag-viral.
Ang bersiyon na pumatok nang todo-todo ay mula sa grupong Acapellago. Sa loob ng isang minuto ay nagawa nilang paghaluin ang iba’t ibang tunog at ang version nila ang itinuturing na pinakamaganda.
Ang Acapellago ay kontemporaryong a capella group na tubong Bulacan na may adhikaing palawakin ang a capella music hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo.
Ang grupo ay binubuo nina Michalle Pascual (soprano), Almond Bolante (counter-tenor), Joshua Cadelina (tenor), Ronnel Allen Laderas (bass) at Ricky Gavin Laderas (beatbox).
Dati na silang umani ng tagumpay at nagwagi sa A-Capella song competition sa Singapore. (REMY UMEREZ)