POLILLO, Quezon – Sa kabila ng masusing search at rescue operation ng pulisya, Philippine Coast Guard (PCG) at Bantay Dagat volunteers ay hindi pa rin natatagpuan ang bise alkalde ng bayang ito makaraang lumubog ang sinasakyan niyang maliit na bangkang de-motor sa gitna ng karagatan ng Pulong Ibon sa Barangay Bucao.
Dakong 3:00 ng hapon noong Hunyo 19 pa nawawala si Polillo Vice Mayor Ramil P. Fajardo, ng Barangay Baniadero; habang nakaligtas naman ang kasama niyang mangingisda na si Romeo Malaguenia, 59, may asawa, ng Bgy. Sibulan, makaraang lumubog ang sinakyan nilang bangka.
Sinabi ni Malaguenia sa pulisya na mula sa Bgy. Calutcot sa Burdeos ay naglalayag sila malapit sa Pulong Ibon nang magtungo si Fajardo sa likurang bahagi ng bangka para umihi, pero sa paglalakad nito pabalik ay gumewang ang bangka hanggang sa lumubog.
Ilang oras na sinikap ng dalawa na makabalikwas kasama ang bangka habang palutang-lutang sila sa dagat hanggang sa marinig ni Malaguenia ang pagsigaw ng bise alkalde na hindi ito marunong lumangoy.
Matapos sikapin ni Malaguenia na makapangunyapit sa bangka, hindi na umano niya makita si Fajardo. (Danny J. Estacio)