Habang naghahanda sa potensiyal na epekto ng namumuong La Niña, naglaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P1.48 billion halaga ng standby funds at relief items para sa panahon ng emergency, partikular na sakaling magiging labis ang mga pag-ulan at malawakang pagbaha kaysa inaasahan.

Kabilang sa DSWD standby capacities ang pagtitipon ng relief commodities, human resources, logistical facilities at standby funds. Nakalaan din ito para dagdagan ang mga nakaabang na mga imbak na pagkain at iba pang pangangailangan.

Sa unang bahagi ng Hunyo, ang DSWD Central Office at ang 17 field office nito ay mayroon nang kabuuang P956,057,439.21 standby fund na maaaring magamit sa pagbili ng mga emergency relief supply.

Bukod dito, may kabuuang P524,339,722.80 halaga ng mga naipong relief item kabilang na ang 406,709 family food packs, food and non-food items na makukuha sa 17 field office, na maaaring ipamahagi o ipadala sa mga local government unit (LGU) na maaapektuhan ng mga bagyo at baha.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mayroong 67 national level quick response team (QRT) sa buong bansa na nakahanda na para kumilos sa oras ng kalamidad.

Karagdagang 18 QRT, bukod sa mga Social Welfare and Development Team, Provincial and Municipal Actions Team ang nakaalerto na rin upang magkaloob ng augmentation support sa mga relief at response operation.

Makakatuwang ng mga DSWD team ang mga organized at trained private volunteer na nakaantabay na rin para sa mobilization at deployment upang tumulong sa mga disaster operation.

Gayundin, ang mga parent-leader ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay magsisilbing standby workforce para sa repacking at relief distribution.

Sa logistical facilities, pinamamahalaan ng DSWD ang 18 regional warehouse na nag-iimbak ng 30,000 family food pack bilang mga prepositioned item sa field office o mga LGU. (ELLALYN DE VERA)