nowitzki copy

DALLAS (AP) – Kabilang sina one-time MVP at Dallas Mavericks superstar Dirk Nowitzki, gayundin si three-time All-Star at Houston Rockets center Dwight Howard sa “class A player” na handa sa negosasyon sa pagbubukas ng free agency sa Hulyo 1.

Pormal na ipinahayag ng dalawang Olympian na isinusuko na nila ang huling taon sa kani-kanilang kontrata nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Inayawan ni Nowitzki, magdiriwang ng kanyang ika-38 kaarawan sa Linggo (Lunes sa Manila), ang alok na $8.7 million para manatiling Maverick. Ginabayan niya ang prangkisa sa kampeonato noong 2011.

BALITAnaw

#SagipPelikula: Bakit dapat tangkilikin ng bagong henerasyon ang classic films?

Ipinarating na rin ni Howard sa Rockets management na hindi na niya gagamitin ang $23.2 million player option. Bumaba ang level ng laro ng 30-anyos at dating Slam Dunk champion bunsod ng injury sa likod.

Malaki pa ang posibilidad na muling lumagda ng bagong kontrata si Nowitzki sa Dallas, pinaglaruan niya sa nakalipas na 18 taon, ngunit malakas ang ugong-ugong na pursigido ang Golden State na makuha ang kanyang serbisyo sa hangaring mabawi ang korona sa Cleveland Cavaliers.

Ang 13-time All-Star, dati ring NBA at Finals Most Valuable Player, ay ika-anim sa all-time scoring list na may kabuuang 29,491 career point at posibleng mahigitan ang basketball icon na si Wilt Chamberlain sa ikalimang puwesto sa susunod na season.

Sa hangaring mapalakas ang Rockets, kinuha ng prangkisa ang serbisyo ni Mike D’Antoni bilang bagong coach, ngunit hindi maganda ang relasyon dito ni Howard sa kanilang pagsasama sa Los Angeles Lakers.

Sa kasalukuyan, ang New York Knicks ang may malaking espasyo sa salary cap na US$30 million matapos mapaso ang kontrata nina forward Arron Afflalo at All-Star guard Derrick Williams.