Isang ginang ang namatay makaraang iuntog ng kanyang asawa ang ulo niya sa pader sa kainitan ng kanilang pag-aaway sa loob ng bahay sa Tagudin, Ilocos Sur, nitong Lunes ng gabi.

Pinipigil ngayon ng Tagudin Municipal Police si Ruffy Marlo Paquito Gao-en, 29, computer technician, ng Barangay Pudoc East, at kakasuhan ng parricide sa pagpatay sa asawang si Alma Gao-en, 27, secretary ng nasabing barangay.

Batay sa pahayag ni Jaime Tambag sa pulisya, narinig niya ang pag-aaway ng mag-asawa sa loob ng bahay ng mga ito.

Nakarinig din ang saksi ng isang malakas na untog sa pader bago niya nakita ang suspek na karga ang anak na umiiyak.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Nang tanungin, sinabi pa umano ng suspek na umaarte lang ang kanyang misis, at bumalik na ito sa loob ng bahay.

Makalipas ang ilang sandali, sumisigaw na humingi ng saklolo ang suspek sa tiyahing si Juliana Lazaga at agad na isinugod sa ospital ang ginang, ngunit hindi na ito umabot nang buhay.

Sinabi ng suspek sa pulisya na nadulas ang asawa habang nag-aaway sila at nabagok ito sa sahig.

Hinala naman ng pulisya, mismong ang suspek ang nag-untog sa pader sa kanyang maybahay. (Fer Taboy)