GENERAL SANTOS CITY – Dahil sa pagpapaigting ng pulisya sa kampanya laban sa ilegal na droga, mahigit 1,000 kung hindi nagtutulak ay gumagamit ng ilegal na droga ang kusang sumuko sa awtoridad sa South Cotabato.

Sinabi ni South Cotabato Police Provincial Office Director Franklin Alvero na tumalima ang mga sumuko sa panawagan ng pulisya at ni Gov. Daisy Avance-Fuentes na boluntaryo na lang na sumuko ang mga ito kaysa mabiktima ng shoot-to-kill order ng papasok na administrasyon ni President-elect Rodrigo Duterte.

Una nang umapela si Fuentes sa mga pinaghihinalaang nagbebenta at gumagamit ng ilegal na droga at nasa watch list ng pulisya na sumuko na lang bago pa pormal na maluklok sa puwesto si Duterte sa Hunyo 30.

Ito ang naging panawagan ng gobernadora matapos siyang magpahayag ng pagkabahala sa tumitinding problema sa ilegal na droga ng South Cotabato, ang bayang pinagmulan ni incoming Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Sinabi ni Fuentes na nagpulong na sila ni Sueno tungkol sa mga gagawing hakbangin upang tuluyan nang masugpo ang ilegal na droga sa lalawigan.

Ayon naman kay Alvero, kasunod ng pagsuko ng mga hinihinalang drug personality ay nanamlay, aniya, ang supply ng shabu sa pitong munisipalidad ng probinsiya.

Dagdag niya, pumirma sa waiver ang mahigit 1,000 nagsisuko sa pulisya at nangakong ititigil na ang mga aktibidad nilang may kinalaman sa ilegal na droga kung ayaw nilang panagutan ito sa batas. (JOSEPH JUBELAG)