KUNG si Vice President-elect Leni Robredo ay manunumpa sa puwesto sa harap ng isang barangay captain ng isang nasa laylayan ng lipunan, pinakamahirap, pinakamalayo at pinakamaliit na barangay sa Camarines Sur, si President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) naman ay manunumpa sa harap ni Supreme Court Assoc. Justice Bienvenido Reyes bilang ika-16 Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa Hunyo 30 na gaganapin sa Rizal Ceremonial Hall ng Malacañang.

Ito ang unang pagkakataon na ang pangulo at bise presidente ay magkahiwalay na manunumpa sa tungkulin. Si Pres. Cory Aquino ay nanumpa sa Club Filipino noon kasama si Vice President Salvador Laurel. Si Fidel V. Ramos ay nanumpa kasama si Vice Pres. Joseph Estrada sa Quirino Grandstand. Si PNoy ay nanumpa kasama si VP Jojo Binay sa Quirino Grandstand.

Si Justice Reyes ay produkto ng San Beda Law School tulad ni President Rody, at fraternity brothers ng Lex Taliones Fraternitas na itinatag ni Reyes kasama si SC Assoc. Justice Jose Mendoza. Si Reyes ay tubong-Bulacan at dating presiding judge ng Malabon Regional Trial Court. Naging Justice din siya ng Court of Appeals noong 2000 at hinirang siya ni PNoy bilang miyembro ng SC noong 2011. Noong 2012, matapos ma-impeach si Renato Corona, inalok siya ni PNoy na maging SC Chief justice, pero tinanggihan niya ito bilang respeto sa mas senior sa kanya.

Sina RRD, Reyes, incoming Justice Sec. Vitaliano Aguirre III at yumaong Ambassador Roy Senerez ay magkaklase at kabilang sa fraternity na kung tagurian noon ay Powerhouse 1971 batch.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Si beautiful Leni ay manunumpa kay Ronaldo Coner, barangay chairman ng Punta Tarawal, Calabanga, CamSur, pinakamaliit, pinakamahirap at pinakamalayong lugar sa lalawigan. Hiwalay silang manunumpa ni Mayor Digong dahil ang Rizal Hall ay limitado ang espasyo at kasya lang ang 500 panauhin. Gusto ni Mang Rody na hindi magsama ng mga asawa/ginoo ang kanyang cabinet members at dignitaries. Sa 500 panauhin, maglalaan ng 150 slot para sa mga miyembro ng pamilya, kamag-anak at kaibigan ni RRD, 30 slot para sa supporters ni Leni, at ang nalalabing slot ay para sa diplomatic corps, Kongreso, hudikatura, military at police.

Hindi na nga pala si Salvador Panelo ang magiging spokesman ni President Rody. Pinalitan siya ni ex-Pastor Ernesto Abella na hinirang noong nakaraang Miyerkules sa cabinet meeting sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City. Bago nagpulong ang gabinete, nagtungo si Mang Rody sa Balanga, Bataan upang makidalamhati sa pagyao ni Bataan Rep. Enrique “Tet” Garcia, na nakasama niya noon sa Kamara.

Si Abella ang founder ng Southpoint School sa Davao at religious group na The Jesus Fellowship, Inc. at instructor sa Ateneo de Davao. Sumulat din siya noon sa San Pedro Express, na ang editor ay ang yumaong makata na si Alfredo Navarro Salanga noong 1970s.

Matindi ang babala ni RRD sa mga kasapi ng kanyang cabinet na iwasang mabatikan ng katiwalian ang kanyang administrasyon. Tahasan niyang sinabi na ang sino man ay mananagot sa kanya kapag may reklamo ng kurapsiyon.

“Nobody in may family will interfere with your work, I’m giving you a free hand on the people you choose”, sabi ni RRD. Umaasa ang taumbayan na magiging corruption-free ang Duterte admin, mapupuksa ang illegal drugs, at mawawala ang mga kriminal! (Bert de Guzman)