NAKASUBAYBAY ang mga Pilipino sa mga kaganapan sa maraming pagpatay sa Orlando, Florida sa Amerika kamakailan.
Tuwing maraming tao ang sabay-sabay na mapapatay sa isang lugar, saan man sa mundo, ay isa nang malaking balita, kahit pa nangyari sa Paris, Kenya, Pakistan, Iraq, Syria, o Ukraine. Partikular na nababahala ang mga Pilipino sa mga ulat tungkol sa massacre sa Amerika, dahil milyun-milyong Pilipino ang nakatira roon sa ngayon, at ilan sa kanila ang posibleng sangkot sa insidente.
Ang pamamaslang sa Florida nitong Hunyo 12 ang huli sa serye ng kaparehong mga pag-atake sa Amerika sa nakalipas na mga taon—nag-iisa ang armadong suspek na pumatay sa 32 katao sa Virginia Tech noong 2007, isang tauhan ng US Army ang pumaslang sa 13 sa Fort Hood, Texas noong 2009, isang lalaki ang pumuntirya sa isang babaeng kongresista na ikinasawi ng anim na katao sa Tuczon, Arizona noong 2011, isang lalaki ang pinagbabaril at napatay ang 26 na batang mag-aaral at kawani ng paaralan sa Newtown, Connecticut noong 2012, isang lalaki ang namaril sa mga nanonood sa isang sinehan sa Aurora, Colorado noong 2012, at isang armado ng baril ang pumatay sa siyam na katao sa isang simbahan sa Charleston, South Carolina noong 2015.
Ang huling maraming pagpaslang ay nangyari sa Orlando, sa isang nightclub para sa mga bakla. Malinaw na hindi nagustuhan ni Omar Mateen, anak ng mga Afghan immigrant, ang eksena ng paghahalikan sa publiko ng dalawang lalaki.
Dahil dito, nagpasya siyang mamaril sa loob ng establisimyento na regular na dinadagsa ng mga miyembro ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) community.
At dahil Muslim ang suspek, iniugnay ng mga imbestigador ang pagpatay sa mga teroristang pag-atake sa Paris noong Disyembre. Ngunit walang ebidensiya na ang pamamaril sa club ay may kaugnayan sa ibang bansa, maliban na lang sa anggulo na naimpluwensiyahan ang suspek ng propaganda ng Islamic State sa Internet. Itinulad ito sa pagpaslang sa 14 na katao sa isang county center sa San Bernardino, California noong Disyembre ng isang radikal na Pakistani na isinilang sa Amerika.
Dahil sa pamamaslang sa Orlando, muling nabuhay ang panawagan para sa mas istriktong batas sa pagmamay-ari at paggamit ng baril sa Amerika, at iginiit ni President Barack Obama na hinarangan ng Kongresong kontrolado ng Republican Party ang kanyang administrasyon sa usaping ito. Ang suspek sa pamamaslang sa Orlando, aniya, ay nagawang makapatay ng maraming tao dahil hindi lamang simpleng maikling baril ang bitbit nito kundi isang AR-15 assault rifle, isang armas na pandigma, na mabibili sa isang gun show sa Florida nang hindi na isinasailalim sa background check ang bibili.
Hindi masyadong nakare-relate ang mga Pilipino sa anggulo ng pagpatay sa mga kasapi ng LGBT sa Orlando; hindi natin maunawaan kung bakit kamumuhian ng isang tao ang isang bakla at aabot pa sa puntong mamamaril sa isang gay nightclub, dahil tanggap na tanggap ang LGBT community sa Pilipinas, at respetado pa nga sa industriya ng aliwan.
Tungkol naman sa gun control, mayroon tayong mahigpit na mga regulasyon, at mas naging istrikto pa ang mga panuntunan sa pag-obliga sa pagsailalim sa drug at psychological test ng mga nais makakuha ng lisensiya sa pagmamay-ari ng baril.
Marahil ang pangunahing pangamba natin tungkol sa insidente sa Orlando ay ang anggulong may kaugnayan sa Islamic State. Mayroong mga ulat tungkol sa armadong kalalakihan sa Mindanao na nagsasabing naiimpluwensiyahan sila ng Islamic State, at ginaya pa nga ang pamumugot sa mga bihag upang makapaghasik ng matinding takot. Ang pamamaslang sa Orlando ay maaaring hindi direktang ipinag-utos mula sa ibang bansa, ngunit nakababahala na nakaiimpluwensiya ang Islamic State sa mga taong gaya ni Omar Mateen na nasa Florida.
Dapat na masusi nating tutukan ang anggulong ito habang pinag-aaralan natin ang sarili nating problemang pang-seguridad sa Mindanao sa ngayon.