Inaasahang madudugtungan ang dominasyon ni 16-time Philippine Motocross Rider of the Year Glenn Aguilar ang paghahari sa pagsikad ng huling leg ng 2016 Diamond Motor Mx Series sa Sabado, sa Mx Messiah Fairgrounds sa Taytay, Rizal.
Abot-kamay na ni Aguilar ang korona matapos itala ang kabuuang 196 na puntos mula sa nakamit na 3-1 panalo sa nakalipas na apat na yugto ng serye ng karera sa motorsiklo na ang huli ay ginanap noong Mayo 21.
“I should have been retired at my age,” sabi ng 42-anyos na si Aguilar.
“I was competing since 1992 although lumipat ako sa superbike pero naiwan ko ang anak ko si McLean kaya nagbalik ako para magabayan ko naman siya,” aniya.
Tanging ang karibal na posibleng sumingit sa kanyang kampanya ay ang magkapatid na Enzo at JC Rellosa. Nasa ikalawang puwesto si Enzo na may 164 na overall points, habang si JC ay mary 149 na puntos.
Naglalaban naman sa Pro-Am category si Jepoy Rellosa na nagpakitang gilas sa huling leg sa tinipon na 156 na puntos upang itulak sina Ralph Ramento at si Mclean sa ikalawa at ikatlong puwesto.
Agawan naman sa titulo sa ladies division sina Janelle Saulog at Pia Gabriels para sa pangkalahatang korona.
(Angie Oredo)