Dalawang dayuhan, na hinihinalang miyembro ng isang drug syndicate, ang nadakip ng awtoridad matapos mahulihan ng 170 ecstasy tablet sa buy-bust operation sa isang gusali sa Makati City, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Jeremy Eaton, isang Canadian; at Damien John Berg, isang Australian.

Ang dalawa’y nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Ayon kay Superintendent Enrigo Rigor, ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG), unang inaresto si Eaton matapos bentahan ng 120 blue cookie monster ecstasy, na kilala rin bilang “blue cookie monster”, ang isang police agent.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, dinampot si Berg ng mga pulis dahil sa pagbebenta ng 50 ecstasy tablet sa hiwalay na buy-bust operation.

Narekober sa dalawang dayuhang suspek ang 170 ecstasy na nagkakahalaga ng P355,000.

Lumitaw sa imbestigasyon, nanggaling ang mga ecstasy sa The Netherlands at ibinebenta ng mga suspek ang naturang droga sa kanilang mga Pinoy na parokyano ng P1,500 bawat piraso.

Konektado rin umano sina Eaton at Berg sa mga naaresto sa pagbebenta ng droga sa Close-Up Forever Summer Concert sa Pasay City, na ikinasawi ng limang partygoer nitong Mayo 21. (Bella Gamotea)