MASYADONG mapapel itong si Comelec Commissioner Christian Robert Lim. Nagbitiw siya sa tungkulin makaraang palawigin sa en banc session ng Comelec noong Huwebes, sa botong 4-3, hanggang sa Hunyo 30 ang pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa kahilingan ng Liberal Party.

Hindi raw dapat ginawa ito dahil ang panahong itinakda ng RA 7166 ay mahigpit na kautusan na hindi dapat palawigin.

Mayroon lang kasing 30 araw pagkatapos ng halalan ang mga partido at kandidato, nanalo man o natalo, para magsumite ng kanilang SOCE.

Hindi minabuti ni Lim ang pagbalewala ng Comelec sa kanyang rekomendasyon bilang pinuno ng Campaign Finance Office (CFO) na tanggihan ang kahilingan ng LP at ni ex-Sec. Mar Roxas. Pero, hindi komo hindi siya nasunod ay nagbitiw na agad siya. Alam naman niya na lima silang commissioner ng Comelec na magpapasya sa mga isyung inihahain dito.

Nagpapaliwanagan at nagbobotohan para malaman ang kapasyahan ng Comelec bilang collegial body. Kung ikaw ay natalo, sumunod ka sa napag-isahan ng mayorya, at kung maaari ay idepensa mo. Kung hindi mo ito matanggap, malaya kang sumulat ng iyong dissenting opinion. Ang pagbibitiw ay pag-abandona sa tinanggap at inako mong tungkulin.

Isa pa, higit namang makatwiran ang naging desisyon ng tatlong commissioner na pagbigyan ang kahilingan ng LP. Ang epekto ng hindi pagsusumite ng SOCE sa wastong panahon ay hindi makauupo ang mga nanalong kandidato, o kaya hindi na makatatakbong muli ang natalo. Kaya kapag si Commissioner Lim ang nasunod, na siya niyang iginigiit, dahil hindi naisumite ng LP ang SOCE sa loob ng 30 araw pagkatapos ng halalan, hindi na makauupo ang mga nanalo nitong kandidato kahit personal silang nakapaghain ng kanya-kanyang SOCE. Hindi makauupo si VP Leni Robredo, kahit siya mismo ay nagsumite ng sariling SOCE.

Teknikalidad na lang ang isyung ipinaglalaban ni Commissioner Lim. Hindi ito puwedeng mangibabaw sa naging bunga ng halalan. Ang kagustuhan ng mamamayan ay hindi puwedeng mabalewala dahil lang sa teknikalidad na ito. Kaya, nasa kapangyarihan ng Comelec ang pagbigyan ang kahilingan ng LP.

Ang trato ni Lim sa batas, na matigas ito sa ipinag-uutos na sa loob ng 30 araw pagkatapos ng halalan ay dapat magsumite ng SOCE ang mga partido at kandidato, ay magdudulot lang ng kaguluhang mapayapa nang inayos ng halalan.

(Ric Valmonte)