MUKHANG magkahiwalay ang inagurasyon nina President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) at Vice President-elect Leni Robredo sa Hunyo 30. Sinabi ni Christopher “Bong” Go, special assistant ni Duterte, na baka hindi magkasya sa limitadong espasyo sa Malacañang ang mga bisita at supporters ni beautiful Leni kapag magkasama ang dalawa sa inagurasyon. Magiging payak (simple) lang daw at matipid ang inaugural celebration ni Mang Rody ‘pag alinsunod sa “principles of austerity”. Buko juice at maruya lang yata ang handa.

Noon, sinabi ni I-BAP Party-list Rep. Silvestre Bello III, incoming Labor Secretary, na baka hindi siputin ni President Rody ang inagurasyon sa Malacañang. Ngayon, mismong si Bong ang naghayag na ang inagurasyon ay gagawin sa Rizal Hall ng Palasyo. Sana ay tuloy na ito.

Ayaw ni RRD na magdulot ng problema sa trapiko ang inagurasyon niya kaya sa Malacañang na ito gagawin, ayon kay Bong Go, sa halip na sa Quirino Grandstand. Ipinaliwanag niyang hindi magiging “fair” kay Leni kung sabay ang inagurasyon ng dalawa dahil sa space limitations. Baka hindi ma-accommodate ang guests at supporters ni Robredo dahil dadalo rin ang mga mambabatas, miyembro ng hudikatura at diplomatic corps.

Para sa kampo ni Leni, okay lang kung ang nais ni Duterte ay magkahiwalay ang inagurasyon. Sinabi ni Boyet Dy, pinuno ng Robredo Transition Team, na iginagalang nila ang desisyon ni Mang Rody kaya nagsisimula na silang maghanda ng “simple and modest ceremony”. Gagawin ang panunumpa ni Leni Robredo sa Maynila, at siya’y manunumpa kay Ronaldo Coner, barangay chairman ng Punta Tarawal, ang pinakamahirap, pinakamaliit at pinakamalayong barangay sa CamSur.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Binulungan ako ng kaibigang palabiro at sarkastiko: “’Di kaya ang dahilan kung bakit ayaw ni President Rody na sabay ang kanilang inagurasyon ni Robredo ay dahil sa friendship nila ni Sen. Bongbong?”

Sabad ng senior-jogger na taga-Bicol: “Akala ko ba ang prinsipyo niya ay ‘My friendship to my friends ends where the interest of my country begins.’?”

Nagtataka rin ang maraming tao kung bakit ayaw niyang bigyan ng cabinet post si Leni gayong malaki ang maitutulong nito sa kanyang administrasyon, lalo na sa isyu ng kahirapan, kagutuman at katarungan. Dahil daw yata ayaw niyang “saktan” ang kaibigang si Bongbong, na tinalo ni Leni.

Hati ang mga mambabatas sa panukalang pagkalooban ng emergency powers si RRD sa isyu ng pagresolba sa lumalalang traffic congestion sa Metro Manila at sa iba pang urban areas sa bansa. Kontra rito sina Sens. Antonio Trillanes IV at Tito Sotto. Kumporme naman sina Sen. Panfilo Lacson at Eastern Samar Rep. Ben Evardone. Ayaw magkomento ni Speaker Belmonte. Salungat din si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, na nagsabing hindi ito kailangan. Ang dapat daw ay simpleng enforcement ng batas at pagtanggal sa kurapsiyon sa transportation and traffic management.

***

Pumasok din pala sa isip ni PNoy na magdeklara ng martial law sa Sulu upang masugpo ang Abu Sayyaf at mailigtas ang 3 dayuhang bihag. Eh, bakit hindi niya itinuloy?

***

Handa raw harapin nina PNoy at Budget Sec. Butch Abad ang ihahaing kaso laban sa kanila tungkol sa Disbursement Acceleration Program. Magdasal na kayo, PNoy at Abad, na hindi kayo magagaya kina Erap at GMA. (Bert de Guzman)