SA biglang tingin, ‘tila imposibleng maipatupad ang mga plano ni Secretary-designate Manny Piñol ng Agriculture na pawang naglalayong makatulong sa mga magsasaka at mangingisda. Isa rito, halimbawa, ang pagkakaloob sa mga magbubukid ng libreng tubig o free irrigation fee. Ibig sabihin, ang naturang tubig na ipinamamahagi ng National Irrigation Administration (NIA), sa pamamagitan ng pagpapadaloy nito sa mga patubig sa iba’t ibang panig ng bansa, ay hindi dapat bayaran ng mga magsasaka, taliwas sa ipinatupad ng mga nakalipas at maging ng kasalukuyang administrasyon.
Ang paninindigan ni Piñol ay sinasabing nakaangkla sa utos ni President-elect Rodrigo Duterte: Ang tubig ay isang national patrimony at dapat ipagkaloob nang libre sa mga magsasaka. At ito ay kailangang ipatupad kaagad sa pagsisimula ng kanilang administrasyon. Maliwanag ang pahayag ni Piñol: Kung ang naturang utos ay hindi maipatutupad ng NIA Administrator, wala siyang karapatang manatili sa puwesto.
Kabilang din sa mga plano ni Piñol ang pagkakaloob ng hybrid seeds o mga binhing palay na masaganang pag-anihan; kasabay nito ang pamamahagi ng abono at mga kagamitan sa pagsasaka na lubhang kailangan sa pagpapalaki ng produksiyon. Maging ang mga mangingisda ay paglalaanan din ng mga bangka, lambat at iba pang kailangan sa pangingisda.
Ang ganap na implementasyon ng naturang mga balak, ay mangangahulugan ng sapat na pagkain sa hapag ng sambayanan; magkakaroon ng sapat na ani, at, tulad ng binigyang-diin ni Piñol, mawawala ang rice smuggling. At hindi malayo na ang Pilipinas ay maging isang rice-exporting country, sa halip na rice-importing nation. Sana, magtagumpay ang mga planong ito na nabigong maisulong ng papaalis na administrasyon; na naging dahilan ng pagka-unsyami ng rice sufficiency program at ng talamak na rice smuggling sa bansa.
Hindi marahil isang kalabisang imungkahi kay Piñol na pansinin niya ang itinatadhana ng 2002 Comprehensive Rules in Land Use Conversion. Isa itong malaking balakid sa pagtatamo ng sapat na produksiyon sa palay at mais. Talamak ang paglabag sa naturang reglamento sapagkat ang malaking bahagi ng palayan ay ginagawang subdivision, residential, commercial, industrial projects na wala namang tuwirang epekto sa pagkakaroon ng sapat na pagkain. Manapa, ito ay isang malaking kawalan sa panig ng land reform beneficiaries.
Ang pinakikitid na palayan ay sagabal sa pagkakaroon ng sapat na ani, sa kapinsalaan ng mga magsasaka.