Hindi pa nakatitikim ng kabiguan ang New Zealand Tall Blacks sa kanilang overseas tour, isang malinaw na indikasyon na hindi sila puwedeng ipagwalang bahala sa darating na FIBA Olympic Qualifying Tournament sa MOA Arena sa Hulyo 5-10.
Ang Tall Blacks ay nagwagi sa kanilang unang tatlong laban sa Atlas International Basketball Challenge sa Suzhou, China bilang bahagi ng kanilang buildup para sa Manila OQT kung saan makakasagupa nila ang kagrupong Smart Gilas at France.
Ang Kiwis ay impresibo sa kanilang 98-74 paggapi sa host Chinese kasunod ng mga naunang panalo kontra sa Belarus at Japan.
Si Michael Karena ang kanilang main man kontra Chinese kung saan umiskor ang 6-foot-10 rookie center ng 18 puntos mula sa perpektong 9-of-9 field shooting.
Nagpakita naman ng consistency para sa Kiwis sa Chinese meet ang magkapatid na sina Corey at Tai Webster, Isaac Fotu at Jordan Ngatai.
Hindi makalalaro si OKC Thunder center Steven Adams, at wala isa mang NBA player ang maglalaro sa New Zealand para sa kanilang kampanya na makakuha ng Olympics slot. Nakapaglaro ang Kiwis sa 2000 at 2004 Summer Games.
Ang provisional Tall Blacks roster ay kinabibilangan ng siyam na holdovers mula sa team na tumapos na 15th sa 2014 FIBA World Cup sa Spain. Kabilang sa mga beterano sina Webster, Fotu, Tom Abercrombie, BJ Anthony, Jarrod Kenny, Rob Lowe, Mika Vukona at Everard Barlett.
Kasama rin sa pool sina Karena, Ngatai, Finn Delany, Shea Lli, at Ethan Rusbatch.
Karamihan sa kanila ay produkto ng US collegiate basketball at may international experience.
Naglaro si Bartlett sa Iceland, sina Kenny at Anthony sa Germany, si Fotu sa Spain, si Lowe sa Belgium, si Abercrombie sa Washington State, si Karena sa Wright State sa Ohio, si Corey Webster sa Lambuth, Tennessee, Tai Webster sa Nebraska, si Delany sa Southwest Baptist sa Missouri, si Ngatai sa Brigham Young U-Hawaii, si Rusbatch sa Lincoln Trail Community College sa Illinois at si Fotu sa University of Hawaii.
Ang kanilang coach ay si Paul Henare, dating longtime mainstay ng Tall Blacks na naglaro sa isang Olympics at dalawang World Cup sa ilalim ng kasalukuyang Gilas Pilipinas coach na si Tab Baldwin.
Gayunman, sinabi ni Baldwin na ang ‘familiarity’ niya sa laro ng New Zealand ay hindi puwedeng ituring na bentahe para sa Gilas. (Marivic Awitan)