ALINSUNOD sa Section 14 ng Republic Act 7166 o ang Synchronized National and Local Elections and for Electoral Reforms, ang bawat kandidato at ingat-yaman ng isang partido pulitikal na lumahok sa halalan ay obligadong maghain ng detalyadong paglalahad ng lahat ng kontribusyon at gastos nito kaugnay ng eleksiyon, 30 araw matapos ang halalan.
“No person elected to any public office shall enter upon the duties of his office until he has filed the statement of contributions and expenditures herein required. The same prohibition shall apply if the political party which nominated the winning candidate fails to file the statement required herein within the period prescribed by this Act.”
Naghain ang mga partido at mga kumandidato sa eleksiyon noong Mayo 9 ng nasabing mga dokumento sa Commission on Elections (Comelec) bago sumapit ang palugit nitong Hunyo 8—maliban sa isa, ang Liberal Party (LP). Hiniling nito sa Comelec na palawigin ang deadline hanggang sa Hunyo 30, at pinagbigyan naman ito ng Comelec, taliwas sa nakasaad sa sarili nitong Comelec Resolution 9991 na nagbabawal sa anumang extension, batay sa RA 7166.
Ito ngayon ang sentro ng alitang legal at pulitikal sa bansa na may malaking epekto sa sariling sistema ng ating gobyerno.
Sakaling tinanggihan ng Comelec ang petisyon ng LP para sa pagpapalawig, walang sinuman sa mga nahalal na miyembro nito ang makauupo sa puwesto—hindi si Vice President-elect Leni Robredo, hindi ang mga nanalong senador mula sa LP na sina Franklin Drilon, Francis Pangilinan, Ralph Recto, at Leila de Lima, hindi ang maraming kandidato ng LP na nahalal na gobernador, alkalde, bokal, at konsehal.
Sa pagpapaliwanag sa naging pasya ng Comelec na tanggapin ang huling pagsusumite ng mga statement of account ng LP, iginiit ni Commissioner Rowena Guanzon, isa sa mayorya ng apat sa pitong komisyuner ng Comelec, na mas binigyang-bigat nila ang “will of the people” kaysa “procedural rules.”
Ngunit nagtatakda ang RA 7166 ng isang partikular na palugit at ipinagbabawal sa sinumang nanalong kandidato na maupo sa puwesto kung hindi nakatupad sa palugit ang partidong kinabibilangan nito. Ito ang batas at walang hindi nasasaklaw nito. Manaig kaya ang resolusyon ng Comelec na nagpahintulot sa petisyon ng LP para sa extension laban sa probisyon ng batas?
Tunay na magiging masalimuot ang mga pangyayari kung pinagbawalan si Robredo o si Drilon, at ang maraming iba pa, na maglingkod sa posisyong tinakbuhan nila. Subalit malinaw ang pagtatakda ng batas ng palugit at walang sinuman ang maaaring pagkalooban ng extension, na siyang pinanindigan ng tatlong miyembro ng minorya ng Comelec.
Idudulog ng PDP-Laban, ang partido ni President-elect Duterte, ang usapin sa Korte Suprema. Magpapalabas kaya ang kataas-taasang hukuman ng restraining order na pipigil kina Vice President-elect Robredo, Senator Drilon, at sa iba pang nanalong miyembro ng LP na maluklok sa puwesto?
Mistulang mahaharap ang bansa sa isang krisis—dahil lamang nabigo ang LP, ang pangunahing partido pulitikal sa bansa sa nakalipas na mga taon ng pamumuno ng administrasyong Aquino, na tumupad sa isang simpleng obligasyon ng paghahain ng detalye ng mga nagastos noong halalan sa palugit na itinakda ng batas.