“Not guilty, your honor!”

Ito ang naging pahayag kahapon ni dismissed Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima kaugnay ng kinakaharap na graft case na nag-ugat sa umano’y pinasok niyang maanomalyang courier deal noong 2011.

Isinailalim sa arraignment proceedings si Purisima sa Sandiganbayan Sixth Division matapos siyang maaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 mula sa Butuan City noong Mayo 20. Subalit agad nakapaglagak ng piyansa ang dating PNP chief.

Ang pagkakaaresto kay Purisima ay alinsunod na rin sa inilabas na warrant of arrest ng hukuman kaugnay ng courier contract nito sa WerFast Documentary Agency, Inc.

Eleksyon

Comelec, dismayado sa mga politikong maagang nangangampanya

Si Purisima at 16 iba pa ay kinasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng pagkakaloob ng kontrata sa nasabing pribadong kumpanya.

“Purisima entered into a memorandum of agreement (MOA) with Werfast and accredited the firm as the PNP’s courier for all firearms license applications despite its failure to comply with government regulations,” ayon sa hukuman.

Kabilang sa mga akusado sa kaso ay sina Chief Supt. Raul Petrasanta, dating opisyal ng Firearms and Explosives Office (FEO); retired Director Gil Meneses; at dismissed FEO officials na sina Chief Supt. Napoleon Estilles, Senior Supt. Allan Parreño, Senior Supt. Melchor Reyes, Senior Insp. Ford Tuazon, Senior Supt. Eduardo Acierto, Supt. Lenbell Fabia, Chief Insp. Sonia Calixto, Chief Insp. Nelson Bautista, at Chief Insp. Ricardo Zapata Jr.

Kasama rin sa sinampahan ng kaso ang WerFast incorporators na sina Mario Juan, Salud Bautista, Enrique Valerio, Lorna Perena at Juliana Pasia. (ROMMEL P. TABBAD)