Hindi na masosorpresa ang dating pinuno ng Commission on Elections (Comelec) kung hihiling din ng extension sa paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ang mga kandidato at partido pulitikal sa susunod na eleksiyon.

Ito ay matapos na pagbigyan ng Comelec noong nakaraang linggo ang hiling ng Liberal Party ng administrasyon at ni Mar Roxas na palawigin ang paghahain ng SOCE.

“Who is going to believe in the deadline that the Comelec will set in the next elections? Nobody. They will just think that they can just ask for an extension,” sinabi ni Sixto Brillantes sa isang panayam.

“They will simply use the reasoning that the Comelec granted the request of the LP in 2016. Why not us?” dagdag ng dating Comelec chairman.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sa botong 4-3, pinalawig ng en banc hanggang sa Hunyo 30 ang paghahain ng SOCE, na ang deadline ay unang itinakda ng Hunyo 8.

Ito ay sa kabila ng rekomendasyon ni Commissioner Christian Robert Lim, pinuno ng Comelec Campaign Finance Office, na tanggihan ang hiling ng LP at ni Roxas.

Sa kanyang memorandum, iginiit ni Lim na magiging hindi patas para sa iba pang kumandidato at partido pulitikal na nakatupad sa deadline ng SOCE filing ang pagpapahintulot sa extension.

Gayunman, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na hindi ito ang unang beses na pinalawig ang SOCE filing, dahil ginawa na rin ito ng komisyon para sa mga kumandidato noong 2013. - Leslie Ann G. Aquino