Habang ang ibang koponan ay patuloy na ang ensayo para sa kanilang paghahanda sa darating na 2016 PBA Governors Cup sa susunod na buwan, nagkaroon pa ng problema ang koponan ng Tropang Talk ‘N Text sa kanilang reinforcement.

Muling naghahanap ng bagong import ang Tropang Texters matapos na sumobra sa sukat ang kanilang napiling si dating NBA player Jason Maxiel sa itinakdang 6-foot-5 para sa season-ending tournament.

Lumabas na may taas na 6-foot 5 at ¾ ang dating Charlotee Hornets, Orlando Magic at Boston Celtics mainstay.

Dahil dito kinailangan na siyang pauwiin at muling maghanap ng kapalit ang TNT.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ayon kay team manager Virgil Villavicencio, mayroon naman silang second option at nakikipagnegosasyon na sa kasalukuyan.

Inihayag din ni Villavicencio na kumuha sila ng Asian import sa katauhan ni Michael Madanly.

Ang Syrian player na si Madanly ay hindi na estranghero sa istilo ng laro sa bansa dahil dati na itong kinuhang Asian import ng kanilang sister squad na NLEX. - Marivic Awitan