Kabiguan ang iuuwi ng apat na miyembro ng Philippine Archery Team matapos isa-isang mapatalsik at tuluyang mabokya sa hangad na silya para makalahok sa 2016 Rio Olympics sa World Archery Individual Final Qualifying Tournament kamakailan sa Antalya, Turkey.

Tanging si Kareel Meer Hongitan ang nakapagpamalas ng mahusay na kampanya sa pagtuntong sa ikaapat na round kung saan nakipagpalitan ito ng matinding laban kontra sa No. 5 seed Naomi Folkard ng Great Britain bago tuluyang nabigo sa 4-6 iskor.

Nagawa ng 12th ranked na si Hongitan na maunahan si Folkard sa iskor na 3-1 subalit hindi nito nasustinahan ang magandang paglalaro sa krusyal na yugto upang hayaan ang British No. 1 na agawin ang panalo at makausad sa quarterfinal round.

Kinulang ang ipinagmamalaki ng Baguio na si Hongitan ng kailangang dalawang panalo upang masungkit ang silya sa Rio na nakataya sa kompetisyon lima ang pinaglalabanan para sa kalalakihan at anim naman sa mga babaeng kalahok.

Isang courtside reporter, inelbow daw ng PBA dahil sa pagiging mataba?

Dahil sa kabiguan, nakisalo si Hongitan sa mga beteranong sina Florante Matan, Youth Olympic mixed event gold medalist Gabriel Moreno at London Olympian Rachelle Cabral de la Cruz na mapatalsik sa torneo.

Ang beterano na si Matan, seeded 28th sa men’s division, ay nagpaalam sa ikatlong round matapos mabitawan ang maagang 4-2 bentahe bago nalasap ang 5-6 kabiguan kontra No. 5 Anton Prilepov ng Belarus sa shoot-off.

Ang 63rd ranked na si Moreno ay nakalasap ng 2-6 kabiguan kontra No. 15 Gasper Strajhar ng Slovenia sa ikalawang round matapos mabigong sustinahan ang momentum sa naitala nitong 6-5 panalo sa shoot-off kontra Serbian Luka Popovic sa unang round.

Ang seeded 26th na si Dela Cruz ay agad ding napatalsik sa ikalawang round ni No. 39 Ariunbileg Nyamjargal ng Mongolia. - Angie Oredo