Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng Muslim, partikular sa Basilan at Sulu, na magkaisa sa pagtataboy sa mga miyembro ng kilabot na teroristang grupo ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa kani-kanilang komunidad.
Kasabay nito, hinikayat ng pamunuan ng PNP ang publiko na huwag i-share o ikalat pa sa social media ang video na sinasabing inilabas ng Abu Sayyaf at nagpapakita sa aktuwal na pagpugot sa Canadian na bihag na si Robert Hall nitong Hunyo 13.
Sinabi ni Senior Supt. Robert Fajardo, hepe ng Anti-Kidnapping Group (AKG) ng PNP, na lubhang hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng Abu Sayyaf kay Hall, sa kasagsagan ng paggunita sa banal na buwan ng Ramadan.
“This is the time when Moslems around the world focus on fasting, praying, giving charity, and religious devotion, refraining from violence, anger, greed, envy and lust,” sabi ni Fajardo.
Dahil sa ginawang pamumugot, sinabi ni Fajardo na pinatunayan lang ng ASG na gumagawa ito ng mga hakbanging kontra sa turo ng Islam, kaya dapat lang na kondenahin.
“Let all Muslim, particularly in Sulu, to unite para itaboy natin ang ASG na nanggugulo at hindi sumusunod sa isinasaad ng Koran. Hindi na makatao ang ginagawang pagpugot ng ASG,” giit ni Fajardo. “This beheading is un-Islamic and inhuman. I appeal to our Muslim brothers to help us put a stop to this senseless beheadings of innocent victims.”
Mayroon nang mga panukala para isailalim ang Sulu at Basilan sa batas militar upang tuluyan nang matuldukan ang matinding problema ng bansa sa Abu Sayyaf, partikular sa pagdukot at pambibihag ng mga ito.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na ang video ng pamumugot kay Hall ay hindi tamang ikalat o pagpasa-pasahan ng mga netizen.
“Don’t patronize, share barbaric videos of ASG. We would appreciate if the netizens would share with us any information about the spreading of this video. But again, these terroristic acts shouldn’t be spread or patronized,” diin ni Mayor.
Aniya, pinag-iisipan na ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ang posibilidad na i-delete na ang nasabing video upang hindi na kumalat pa. (AARON RECUENCO)