Magkakaroon ng tyansa ang differently-abled table tennis player na si Josephine Medina na masukat ang kahandaan sa nalalapit na Rio Paralympics sa pagsagupa sa Romania International Table Tennis Open sa susunod na Linggo.

Kasalukuyang naghahanda si Medina para sa kanyang ikalawang sunod na pagsabak sa Paralympics kung saan asam niyang makasungkit ng medalya matapos ang halos abot kamay kampanya apat na taon na ang nakararaan.

Matatandaan na huling nakipaglaban si Medina para sa tansong medalya sa women’s singles subalit nabigo sa London Paragames noong 2012.

“Her opponents in Rio are expected to be there in Romania so this will serve as her tune-up (event). It will give her a chance to see the level of her rivals,” sabi ni Dennis Esta, executive director ng Philspada-Philippine Paralympic Committee.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang Class 8 table netter na si Medina ay kasalukuyang ikalima sa buong mundo base sa huling inilabas na Para Table Tennis Ranking List mula sa International Table Tennis Federation (ITTF) nitong Hunyo.

Nakapag-uwi ng tansong medalya noong 2014 Asian Para Games, huling sumabak sa internasyonal na torneo ang 46-anyos na si Medina sa 2015 Copa Tango XIII sa Argentina nagwagi ito sa singles Class 6-8 ng gintong medalya at pilak sa team event.

Si Medina ay isa naman sa tatlong Pilipinong Para athletes na kumpirmado na ang silya sa Rio.  

Ang beteranong powerlifter na si Adeline Dumapong-Ancheta ay sigurado na sa kanyang ikalimang paglalaro sa Brazil habang ang swimmer na si Ernie Gawilan ay nakahanda na rin sa kanyang Paralympics debut matapos ang kanyang matagumpay na kampanya sa Asean Para Games.

Umaasa rin si Esta na ang kanilang kahilingan sa Bipartite commission para sa apat na silya, para kina track and field athlete Jerrold Pete Mangliwan, Andy Avellana, at Maritess Burce gayundin para kay triathlete Sixto Ducay, ay maaaprubahan ng internasyonal na pederasyon. - Angie Oredo